Home ENTERTAINMENT Coco, inalay ang Guillermo Mendoza award kay Jaclyn!

Coco, inalay ang Guillermo Mendoza award kay Jaclyn!

Manila, Philippines- Pinarangalan ang FPJ’s Batang Quiapo bilang Most Popular TV Program sa Primetime Drama category sa katatapos lang na Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation Box Office Entertainment Awards 2024.

Inalay ng bida sa FPJ’s Batang Quiapo na si Coco Martin ang natanggap na award sa namayapang aktres na si Jaclyn Jose, naging bahagi ng nasabing action-series, at sa namayapa ring Dreamscape head na si Deo Endrinal.

Sabi ni Coco, “Sobra kay Sir Deo, kay Mama Jane.

“Sa lahat ng bumubuo, sa lahat ng boss ng ABS-CBN na patuloy na naniniwala at sumusuporta sa amin upang magkatrabaho ang mga kasama natin sa industriya.

“Para sa iyo ito, Mama Jane.”

Ang tinutukoy ni Coco na Mama Jane ay si Jaclyn, na ang tunay na pangalan ay Jane Guck.

Pumanaw si Jaclyn sa edad na 60 noong March 2, 2024 habang si Deo ay pumanaw sa edad na 60 noong February 3, 2024.

Inalay din ng Kapamilya aktor ang award sa lahat ng bumubuo at sumusuporta sa FPJ’s Batang Quiapo.

“Masaya ako para sa buong team ng Batang Quiapo.

“Siyempre sobrang sarap sa pakiramdam dahil sobra naming pinaghihirapan ang pagbuo ng Batang Quiapo.

“Sobra akong nagpapasalamat sa team, sa lahat ng directors, sa lahat ng mga scriptwriters, creative, staff, and crew.

“Sobra kaming nagpapasalamat sa lahat ng mga taong sumusubaybay at tumatangkilik gabi-gabi.” Rommel Placente