Home NATIONWIDE College student patay sa salpukan ng motorsiklo

College student patay sa salpukan ng motorsiklo

CEBU- PATAY ang isang college student habang sugatan ang rider matapos magsalpukan ang minamaneho nilang motorsiklo, iniulat kahapon, Abril 5 sa Lapu-Lapu City.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital ang biktimang si Dustin Querubin, 24-anyos, taga-Basak, Lapu-Lapu City habang sugatan ang 21-anyos na delivery rider.

Batay sa Traffic Enforcement Unit Lapu-Lapu City Police Office, bandang 1:00 PM naganap ang insidente sa may Hangar Road Barangay Basak Lapu-Lapu City.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng dalawa ang nasabing kalsada nang bigla na lamang umanong nag-counterflow si Querubin dahilan para makasalpukan nito ang delivery rider.

Sa lakas ng pagkakasalpok ay nawalan ng kontrol sa manibela ang mga ito at bumangga sa nakaparadang truck ang motorsiklo ni Querubin.

Agad naman dinala sa ospital ang mga biktima ng mga rumespondeng awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng insidente subalit nalagutan din ng hininga si Querubin habang nilalapatan ng lunas.

Patuloy naman ginagamot sa ospital ang delivery rider.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico