Home NATIONWIDE Comelec at PAO, sanib-pwersa sa BSKE vs vote buying

Comelec at PAO, sanib-pwersa sa BSKE vs vote buying

MANILA, Philippines – Lumagda ng kasunduan ang Commission on Elections (Comelec) at Public Attorney’s Office (PAO) para sa Barangay at Sangguniang Kabataang Elections o BSKE ngayong Oktubre 30.

Sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (MOA), magtutulungan ang PAO at Comelec laban sa vote buying.

Tatayong abogado ang mga tauhan ng PAO sa mga isasampang kaso ng Comelec laban sa mga inirereklamong kandidato.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, hindi maaaring palagpasin ang eleksyong ito at sa mga susunod na eleksyon na hindi kasama ang PAO sa paglaban na ito.

Dagdag pa ni Garcia, ito rin ang paraan upang mapalakas ang ating mga kababayan na naglalakas loob na dumulog at pumunta sa Comelec at magreklamo, hindi lamang sa pamimigay kundi sa pagbigay at pagtanggap ng mga goods, pera, at mga pangako mula sa mga kandidato.

Sa panig ng PAO, sinabi ni Chief Atty Percida Rueda Acosta na nakahanda silang makipagtulungan sa komisyon laban sa vote buying sa paparating na BSKE.

Pagtitiyak din ni Acosta sa komisyon na ang kanilang mga tauhan ay mga dedikado at mapagkakatiwalaang partners sa halalan.

“Handa po kaming tumulong para isulong ang mga alintuntunin ng COMELEC at maging mga batas na related dito,” dagdag ng PAO Chief.

Sa ngayon, umabot na sa 40 kandidato ang nasasampahan ng kaso kabilang ang mga inireklamo nang maagang pangangampanya at vote buying.

Binigyan diin ni Garcia na ang isang kandidato na may kinakaharap na kaso na kapag nanalo sa halalan ay maaari pa rin itong nlmatanggal sa pwesto.

“Ayaw naman ng iba nating kababayan na mag-file ng under oath, pero doon sa makakasuhan, kahit sila ay nanalo, sila ay madi-disqualify pa rin kung talagang may basis against sa kanila,” pagtitiyak ni Garcia. Jocelyn Tabangcura-Domenden