MANILA, Philippines- Naghain ng reklamo ang Bayan Muna sa Commission on Elections (Comelec) laban sa disinformation sa party-list group ilang araw bago ang midterm elections.
Mismong si Bayan Muna national chairperson Neri Colmenares ang nagtungo sa Comelec sa Intramuros, Manila upang maghain ng reklamo na tinawag na aksyon laban sa fake news sa halos 12 social media na target umano ang partylist at umano’y coordinated red-tagging campaign laban sa kanila.
Ang disinformation ay may kinalaman umano sa tila resolusyon ng Comelec na nagdi-disqualify sa Bayan Muna.
Tinuligsa ng Comelec bilang “fake news” ang umano’y press statement mula sa Office of the Comelec Spokesperson na nag-anunsyo ng diskwalipikasyon ng Bayan Muna partylist mula sa 2025 May midterm polls.
Hinimok ng partylist ang Comelec na maglabas ng isang pahayag na itinatanggi ang mga maling ulat at paglilinaw na ang Bayan Muna ay hindi disqualified at nananatiling isang lehitimo at kwalipikadong kandidato para sa halalan.
Nanawagan din ito sa Comelec na maglabas ng malakas na pahayag na kumunkondena sa fake news at imbestigahan ang mga reklamo at insidente na may kaugnayan sa pagkalat ng maling impormasyon at disinformation. Jocelyn Tababgcura-Domenden