MANILA, Philippines- Pinapayagan ang pagamit ng negatibong pangngampanya laban sa ibang kandidato sa ilalim ng Omnibus Election Code subalit maaaring mauwi sa cyber libel charges, ayon sa pinuno ng Commission on Elections nitong Martes.
Inihalimbawa ni Comelec Chairman George Garcia na iba ang pag-akusa sa kandidato ng hindi pagtatapos mula sa isang partikular na unibersidad sa pag-akusa rito ng pagiging magnanakaw.
“Meron na tayong cyber-libel na tinatawag. Kapag nakakasira ng puri o nag-a-accuse ka na isang krimen o isang bagay na hindi naman totoo. Meron ding libel o slander. Lahat nang iyan ay limitasyon doon sa karapatan ng tao na mag-negative campaigning,” aniya sa isang panayam.
Nauna nang sinabi ni Garcia na walang kapangyarihan ang komisyon na habulin ang mga taga-suporta ng mga kandidatong may malisyosong pahayag o public pronouncements. RNT/SA