Home NATIONWIDE Comelec: Final testing ng ACMs bago mag-halalan matagumpay

Comelec: Final testing ng ACMs bago mag-halalan matagumpay

MANILA, Philippines- Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) noong Linggo na naging matagumpay ang final testing and sealing (FTS) ng automated counting machines (ACMs) na gagamitin para sa darating na 2025 national at local elections.

Sinabi ni Comelec chairman George Garcia na 100% sa ngayon ang matagumpay sa sinubukang makina.

Sinabi ng Comelec na ang lahat ng mga ACM ay naipamahagi na sa buong bansa, kung saan ang FTS ay tatakbo hanggang Mayo 7.

Ayon pa sa Comelec, ang mga makina ay sinusubukan sa bawat presinto ng electoral board members na maglilingkod sa Lunes, Mayo 12 upang malaman kung tama ang bilang.

Sinimulan ng poll body noong Biyernes, Mayo 2, ang FTS ng ACMs sa ilang polling precinct bago ang midterm elections.

Sa panahon ng FTS, ang mga miyembro ng electoral board (ERB) ay magsasagawa ng end-to-end na pagsubok ng mga ACM, kabilang ang pagsisimula ng mga makina.

Pahihintulutan din ang 10 botante na bumoto gamit ang mga makina. Pagkatapos ng pagboto, mano-manong bibilangin ang kanilang mga boto at ihahambing sa mga resulta mula sa mga ACM.

Pagkatapos ng FTS, ang mga ACM ay seselyuhan at itatabi sa Office of the Department Education Supervisor Official (DESO) upang mapangalagaan ng mga miyembro ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines hanggang sa May 12 elections. Jocelyn Tabangcura-Domenden