Home METRO Kasambahay na dumalo sa pista natagpuang patay

Kasambahay na dumalo sa pista natagpuang patay

NEGROS OCCIDENTAL- Hindi na nakauwi nang buhay ang isang kasambahay na dumalo ng pista sa kanilang lugar makaraang matagpuan ang naaagnas nitong bangkay noong Miyerkules sa bayan ng Hinoba-an.

Kinilala ang biktimang si Talia Evangelista, 24-anyos, at residente ng Pulang Araw, Barangay 2, Hinoba-an.

Batay sa report ng Hinoba-an Municipal Police Station, nadiskubre ang bangkay ng biktima sa likod ng motor pool sa Barangay 1 Poblacion, hapon ng Miyerkules, Abril 30, 2025.

Ayon kay Police Major Jaynick Bermudez, hepe ng Hinoba-an MPS, isang lalaki ang nakakita sa bangkay ng biktima matapos masinghot ang nakasusulasok na amoy habang ito ay umiihi.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad sa nasabing lugar at nakita ang bangkay ng biktima na may suot na damit maliban sa wala itong tsinelas.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, huling nakitang buhay ang biktima noong Abril 27, na nagpaalam sa kanyang amo na dadalo lamang ng siya ng pista sa kabilang barangay subalit hindi na nakauwi pa.

Hinanap ito ng kanyang mga kaanak at ipinagbigay-alam sa pulisya na ito ay nawawala.

Naniniwala naman ang pulisya na posibleng sa ibang lugar pinatay ang biktima at itinapon lamang ito sa likod ng motor pool ng mga suspek.

Sa ngayon ay isinailalim sa otopsiya ang bangkay ng biktima para malaman ang sanhi ng pagkamatay nito at mayroon na rin silang dalawang persons of interest sa naturang krimen.

Inaalam na rin ng mga awtoridad ang motibo sa pagpatay sa biktima. Mary Anne Sapico