NEGROS OCCIDENTAL- Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng sariling pinsan dahil sa umano’y alitan sa lupa, noong Huwebes sa bayan ng Binalbagan.
Kinilala ang biktimang si onas Escañan, 53-anyos, habang nadakip naman ang suspek at pinsan nitong si Henny Ganzon, 61-anyos, kapwa residente ng Sitio Bulwang, Barangay Bi-ao, ng nasabing bayan.
Batay sa report ng Binalbagan Municipal Police station, bandang alas-10:30 ng gabi naganap ang krimen noong Mayo 1, 2025 sa nasabing lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman ang magpinsang biktima at suspek habang nanunuod ng telebisyon.
Habang nasa gitna ng inuman, nagkaroon ng mainitang pagtatalo matapos maungkat ang usapin tungkol sa lupa.
Agad na kinuha ng suspek ang kanyang .45 kalibre na baril at pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan ng naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ang krimen ay tumakas ang suspek subalit kalaunan ay nadakip ng mga tauhan ng 62nd IB Philippine Army at pulisya sa isinagawang hot pursuit operation.
Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Binalbagan MPS ang suspek at nahaharap sa kasong pagpatay. Mary Anne Sapico