Home NATIONWIDE Earthquake response force pinaigting ng PH gov’t

Earthquake response force pinaigting ng PH gov’t

MANILA, Philippines- Pinaigting ng gobyerno ang earthquake preparedness efforts nito sa pamamagitan ng pagpapalawak sa maliit na grupo ng mga trained emergency responders sa inaabangan na posibleng magnitude 7.2 tremor sa kahabaan ng West Valley Fault.

Binigyang-diin ni Office of Civil Defense (OCD) chief Undersecretary Ariel Nepomuceno ang agarang pangangailangan na maghanda para sa tinatawag na “The Big One,” kung saan ang babala ng mga eksperto ay maaaring magdulot ng matinding epekto sa Kalakhang Maynila.

“We must prepare now,” ang sinabi ni Nepomuceno sa idinaos Security Bank’s First Quarter 2025 Townhall, araw ng Sabado sabay sabing, “The most effective way to save lives is to start preparing today.”

Binigyang-diin naman ni Nepomuceno ang tatlong pangunahing mga lugar para sa aksyon: ‘infrastructure resilience, public education at bolstering response capacity.’

“Compliance with the National Building Code is non-negotiable,” aniya pa rin.

Iginiit pa rin niya na ang mga gusali ay dapat na nakadisenyo para matagalan at makayanan ang magnitude 8.5 earthquake.

Para suportahan ito, nakikipagtulungan na ang OCD sa Department of Trade and Industry (DTI) at private sector engineers para i-upgrade ang construction standards, partikular na ang pagtutok sa steel reinforcement bars at alisin ang substandard imports na banta sa kaligtasan.

Inulit din nito ang pangangailangan na iwasan ang pagtatayo sa high-risk areas gaya ng fault lines at landslide-prone zones.

Hinikayat din ni Nepomuceno ang publiko na matutunan ang ‘basic’ subalit napakahalagang survival technique na “duck, cover and hold,” na aniya’y makasasagip ng buhay sa panahon ng mga unang sandali ng paglindol.

Sa kabilang dako, tanggap naman ni Nepomuceno ang limitadong resources ng bansa kumpara sa mas preparadong bansa gaya ng Japan.

“Unlike Japan, which has over 12,000 highly trained earthquake responders, the Philippines has far fewer. But we are not sitting idle,” anito.

Upang mapunan ang mga patlang at pagkukulang, makikipagtulungan ang OCD sa Armed Forces, Metropolitan Manila Development Authority, Coast Guard, Red Cross at iba pang ahensya para madagdagan ang bilang ng mga trained personnel.

Ang pagtutulungan ay extended din sa National Service Reserve Corps, student volunteers mula sa National Service Training Program at private groups ng Philippine Disaster Resilience Foundation at ARISE Philippines.

“Our goal is to expand, organize and build capacity,” ang diing pahayag ni Nepomuceno. Kris Jose