MANILA, Philippines- Sinisisi ang kakapusan ng pondo at suporta mula sa gobyerno kaya nagkaroon ng miseducation o mahinang sistema ng edukasyon na nagresulta sa pagkakaroon ng 19 milyong “functionally illiterate” Filipinos sa maraming taon, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on basic education na ipinakikita ng EDCOM 2 report na nabigo ang Philippine Education System na magbigay ng holistic learning para sa estudyanteng Filipino sanhi ng kakapusan ng libro at kagamitan, kawalan ng manpower.
“Sabi doon sa year 1 EDCOM (Second Congressional Commission on Education) report na mayroon tayong miseducation o yung sistema natin ay mahina, at nangyari ito hindi lang sa isang administrasyon, nagpatong-patong na ito,” ani Gatchalian sa interview.
Ganito ang reaksyon ni Gatchalian matapos ang pagdinig ng Senate committee on basic education noong Abril 30 na nagsasabing may 24 milyong Filipino ang natuklasang functionally illiterate habang 19 milyong graduates naman ang hindi sapat ang kasanayan o tamang skills.
Aniya, walang pormal na patakaran sa pagpasa sa estudyante kahit illiterate na nangyayari sa iba’t ibang dahilan tulad ng problema sa pananalapi ng pamilya, pagmamakaawa ng magulang o awa ng titser sa estudyante.
“Kailangan din kasing mabigyan sila ng intervention program eh, tulad ng tutoring, yung mga suporta, pero hindi rin nabibigyan. Kaya nakaka-graduate sila, na ganito pala ang problema,” aniya.
Hinggil sa posibleng solusyon, sinabi ni Gatchalian na makikita ang implementasyon ng MATATAG curriculum dalawang taon simula ngayon.
“Malaking tulong din itong MATATAG curriculum kasi binawasan yung number of subjects, binawasan yung number of competencies, so ibig sabihin, mayroon nang mastery,” wika ng senador.
Aniya, muling binabago din ang senior high school (SHS) curriculum.
Sinabi ni Gatchalian na masyadong komplikado ang SHS curriculum sa dami ng tracks na kailangan ng mas maraming manpower at kagamitan na hindi kayang tuparin ng maraming paaralan.
Inihalimbawa ni Gatchalian ang technical vocational livelihood (TVL) track, na kailangang mayroong specialized teachers at equipment na hindi kayang tugunan ng paaralan.
“Maganda yung intention, pero kung hindi mo ma-execute ng mabuti. Hilaw yung bata at yung pagtuturo sa kaniya ay hindi magiging kumpleto,” pahayag ni Gatchalian.
Aniya, dapat simple, standardized at mas kakaunting options ang SHS curriculum. Ernie Reyes