Home OPINION COMELEC HANGA SA IPAPALIT SA SMARTMATIC

COMELEC HANGA SA IPAPALIT SA SMARTMATIC

DAPAT na sigurong mawala ang duda ng mga tumututol sa kakayahan ng kaisa-isang kompanyang Miru Systems Co. Ltd ng South Korea na nakakopo sa P18 bilyon kontrata para sa automation project sa 2025 mid-term election.

Kahit kasi may mga nagdududa, hindi maikakaila na napakalayo nang narating ng South Korea, hindi lamang sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan at ekonomiya, kundi maging sa kahusayan sa larangan ng teknolohiya at iba pang mga kaalaman na kahanay na ng malalaki at makapangyarihang mga bansa sa Europa.

Pwede na sigurong tuldukan ang usapin kung pwede na nga bang palitan ang dating automated counting machines ng Smartmatic na nangasiwa sa mga nakalipas sa automated poll dahil mismong mga opisyal ng Commission on Elections, sa pangunguna ni Chairman George Garcia, ay personal na bumisita sa pasilidad ng Miru sa South Korea upang alamin kung paano binubuo ng kompanya ang isu-supply na makina.

Kasama ni Garcia sa pagbisita sa pasilidad ng naturang kompanya sina Commissioners Nelson Celis at Aimee Ferolino, stakeholders at ilang miyembro ng media para personal na tingnan kung paano ginagawa ang automated counting machines na gagamitin sa mid-term election.

Hindi tuloy maitago ni Garcia ang paghanga sa nakitang makabagong pamamaraan ng kompanya sa paggawa ng may 110,000 automated counting machines, pati na ng iba pang nililikhang makina na nagamit na sa ibang bansa.

Sabi ni Garcia, walang duda na mai-dedeliver ng Miru Systems ang kinakailangang bilang ng  ACMs sa takdang panahon, dahil sa napakabilis at sistematiko nilang paglikha ng mga makina.

Sinabi naman ni Miru Systems Vice President for Overseas Sales Ken Cho, malaking karangalan ang pagdalaw ng mga opisyal ng Comelec at mga stakeholder sa kanilang kompanya dahil maipapamalas nila ang bawat yugto ng kanilang produksyon.

Ayon naman kay Miru CEO Jin-Bok Chung, binuksan nila ang pinto ng kompanya, pati sa miyembro ng media, para maging bukas ang proseso at mawala ang anomang pagdududa sa kanilang kakayahan.

Aniya, wala silang itinatago at mas gusto pa raw nilang ipakita ang bawat proseso ng kanilang paglikha ng AMCs na akmang-akma sa pangangailangan ng mga Pilipino.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.