
ISA na namang miyembro ng Manila’s Finest ang uukit sa kasaysayan ng National Bureau of Investigation matapos matalaga bilang director ng pangunahing ahensiyang tagapagpatupad ng batas.
Pangalawa na ngayon si Ret. Judge Jaime Santiago, na tulad ng namayapang si dating Manila Mayor Alfredo Lim, naging District Director ng dating Western Police District, ay kabilang din sa Manila’s Finest.
Katunayan, gumawa rin siya ng kasaysayan sa WPD noong aktibo pa bilang pulis nang taguriang “Sharpshooter” at pangunahing miyembro ng shooting team ng distrito na ilang beses itinanghal na kampeon sa mga paligsahan ng ng iba’t ibang pulisya dahil sa angking galing sa pagtudla.
Pero hindi lang sa target paper o sa steel plate mahusay bumaril si Director Santiago sa kanyang kapanahunan dahil kahit ‘moving target’ ay kaya niyang patamaan, kaya naisapelikula ang “SPO4 Santiago: Sharpshooter” noong 1996 na pinagbidahan ni Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr.
Tumabo nang husto sa takilya ang pelikula dahil true to life story nga kabilang ang kanyang pakikipagnegosasyon sa hostage taker noong hepe siya ng Special Weapons and Tactics team. Dalawa lang kasi ang pagpipilian ng mga hostage taker kapag si SPO4 Santiago ang pumapel — sumuko o mapunta sa hukay.
Sa kanyang mga nirespondehang hostage taking, anim sa mga ito ang pinili pang tangkaing patayin ang kanilang hinostage na biktima pero nauna sila sa hukay dahil sa mabilis at asintado sa pagbaril si Santiago.
Ngayon, ibang yugto nang pakikipagsapalaran naman ang haharapin ni Director Santiago dahil sa makabagong teknolohiya ng panlilinlang ng mga scammer, o cybercrime, maging ang illegal na POGO o Internet Gaming Licensees at pagtugis sa mga kilalang indibiduwal na tumakas sa kamay ng batas.
Ibang laban ang kakaharapin ni Santiago ngayon dahil ang mga masasamang elemento ngayon at nakatago at gumagamit ng makabagong teknolohiya. Bukod pa rito ang hamon sa pagtugis sa mga kilalang wanted sa batas tulad nina Apollo Quibuloy at dating BuCor Director Gerald Bantag na parehong napaglalaruan ang mahabang kamay ng batas.
Siyempre, dalangin ng mga sumasampalataya sa kakayahan ng dating pulis Maynila na magampanan niya nang wasto ang tungkulin na tulad ng dati rin niyang katungkulan bilang hukom ay maipapataw ng parehas ang hustisya.
Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.