Home NATIONWIDE Comelec nag-isyu ng bagong show cause order vs Sia

Comelec nag-isyu ng bagong show cause order vs Sia

MANILA, Philippines- Nag-isyu ng panibagong show cause order (SCO) ang Commission on Elections (Comelec) laban sa abogado na si Christian Sia na tumatakbong kinatawan ng lone congressional district ng Pasig City.

Ang show cause order laban kay Sia ay kaugnay sa umano’y “misogynistic” na pananalita laban sa sarili niyang mga babaeng staff sa kanilang campaign sortie.

Ito ay matapos ipag-utos ng komisyon sa pamamagitan ng Task Force in Safeguarding againts Fear and Exclusion in Elections (SAFE) noong Martes na ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat madiskwalipika sa halalan sa Mayo dahil sa posibleng paglabag nito sa anti-discrimination resolution nito.

Ito rin ang pangalawang SCO na natanggap ni Sia mula sa komisyon na kapareho sa natanggap niya dahil sa kanyang ‘jokes’ na ang solo parents ay maaaring sumiping umano sa kanya isang beses sa isang taon kapag siya ay nanalo sa halalan.

Ang kanyang pahayag ay umani ng batikos mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Commission on Human Rights (CHR) at ilang mga politiko kabilang ang kanyang dating kapartido na beauty queen-turned-candidate para sa Pasig councilor na si Shamcey Supsup.

Noong Lunes, sumulat na rin ang grupong Gabriela sa Korte Suprema at hiniling na tingnan ang naging pahayag ni Sia sa mga kababaihan bagama’t humingi na ng paumanhin si Sia sa publiko lalo na sa mga nasaktang kababaihan. Jocelyn Tabangcura-Domenden