Home METRO Pagproseso ng mga donasyon mas pinabilis, mas pinadali ng DSWD

Pagproseso ng mga donasyon mas pinabilis, mas pinadali ng DSWD

MANILA, Philippines- Kasabay ng ika-74 anibersaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), inilunsad ang Kaagapay Donations Portal kung saan mas pinadali at pinabilis ang proseso ng paghahanap at pagtutugma ng Social Welfare and Development Agencies (SWDAs) at mga Local Government Unit para sa mga angkop na donasyon at programa para sa kanila.

Ito ang ibinahagi ni DSWD Asst. Sec. Marie Rafael sa ginanap na Meet the Press weekly forum ng National Press Club of the Philippines (NPC), kasama si DSWD Director Megan Manahan, kung saan ipinaliwanag nito na ang Kaagapay Donations Portal ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. patungkol digitalization ng mga programa ng gobyerno upang mas mapabilis at maging epektibo ang mga ito.

Ayon kay Asst. Sec. Rafael, sa pamamagitan ng Kaagapay Donation Portal, hindi na kailangan ng mga nangangailangan na mano-manong sumulat sa mga SWDA at dumaan sa mahabang proseso upang humingi ng tulong dahil mas pinadali na ng DSWD ang prosesong ito sa pamamagitan ng nasabing online portal.

Bukod aniya sa mga SWDAs, maaaring gamitin din ng mga Local Government Units (LGUs) ang Kaagapay portal upang makipag-ugnayan sa mga donors, at makatanggap ng mga cash donations sa pamamagitan ng online payment gateways at in-kind donations sa panahon ng mga kalamidad at sakuna.

Ayon pa kay Rafael, ang mga SWDA na nag apply para sa kanilang Registration, Licensing, at Accreditation (RLA), at solicitation permit ay diretso ring mailalagay sa Kaagapay Donations Portal na makakatulong na direktang kumonekta sa kanilang mga donor.

Kaugnay nito, ipinaliwanag naman ni Dir. Manahan ang pinakabagong online platform ng DSWD na Harmonized Electronic Licensing Permit System (HELPS) na isa sa produkto ng Paspas Serbisyo Program ng nasabing ahensiya na naglalayon na ma-digitalize ang mga programa ng departamento.

Aniya, ang HELPS ay nilikha upang mas mapabilis ang proseso ng Registration, Licensing, at Accreditation (RLA) ng mga Social Welfare and Development Agencies (SWDAs)

Nabatid na sa paggamit ng HELPS, ang pag proseso ng RLA na aabot lamang ng 14 araw, 7 araw para sa registration at licensing, at 7 araw para sa accreditation, kumpara sa aabot ng 47 na araw sa mano-manong proseso noon.

Nabatid na ang pagkuha ng permit para sa public solicitation ng mga SWDA na nais mangalap o tumanggap ng mga kontribusyon mula sa publiko para sa kanilang mga kawanggawa ay pinadali na rin ng HELPS.

Mula aniya sa 20 araw noon, ay maaring makakuha ng regular permit sa loob lamang ng pitong araw, at tatlong araw naman para sa temporary permit. JAY Reyes