MANILA, Philippines – Nakatakdang maglabas ng show cause order ang Commission on Elections (Comelec) laban kay Misamis Oriental Gov. Peter Unabia dahil sa umano’y sexist remarks nito tungkol sa propesyon ng nursing.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, maaaring maipadala ang show cause order hanggang bukas, Abril 8.
Ito ay matapos ang isang video ni Unabia na kumalat online para sa pagsasabing ang kanilang nursing scholarship ay para lamang sa mga babae at dapat silang maging “gwapa” o maganda.
Nauna nang sinabi ni Garcia na ang sexist remarks at gender discrimination ay walang lugar sa isang sibilisadong lipunan, higit pa sa isang political campaign at hindi sila tumitigil sa pag-isyu ng show cause order “hanggang sa may parusahan.”
Samantala, sinabi rin ng Comelec na hindi pa ipinaliwanag ni Pasig congressional bet Christian Sia sa poll body ang kanyang kontrobersyal na single mom joke.
Si Sia ay binigyan ng tatalong araw o hanggang Abril 7 upang sumagot sa show cause order.
Nag-viral si Sia matapos itong magbiro sa mga solo parent bagamat kalaunan ay humingi rin ng paumanhin. Jocelyn Tabangcura-Domenden