MANILA, Philippines – Naghahanda na ang Commission on Elections (Comelec) para sa posibleng special election sa ikaapat na distrito ng Cavite matapos ma-expel sa House of Representatives si Francisco Barzaga Jr..
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, target ng poll body na idaos ang special election sa Agosto 22 o Agosto 29, bago ang Bangsamoro Parliamentary Elections na nakatakda sa Setyembre 14.
Tinatayang mangangailangan ang Comelec ng humigit-kumulang ₱200 milyon para sa pagsasagawa ng halalan. Dahil dito, plano ng ahensya na humiling ng karagdagang pondo mula sa pambansang pamahalaan.
Nilinaw rin ni Garcia na maaari pa ring tumakbo si Barzaga sa special election kung nanaisin niya, dahil ang kanyang pagpapatalsik bilang kongresista ay hindi nangangahulugan ng permanenteng diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong posisyon.
Ayon sa Comelec, maaari siyang muling kumandidato basta’t natutugunan niya ang mga kwalipikasyon tulad ng edad, pagkamamamayan, paninirahan sa lugar, pagiging rehistradong botante, at kakayahang bumasa at sumulat.
Noong Martes, inaprubahan ng Kamara sa botong 265-14, na may walong abstention, ang rekomendasyon ng Committee on Ethics and Privileges na patalsikin si Barzaga dahil sa umano’y disorderly behavior, conduct unbecoming of a member, at paglabag sa House Code of Conduct. RNT/MND