MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng kandidato na iwasang mamigay ng pera o anumang valuable items bilang premyo sa sinuman sa ano mang event o kompetisyon ngayong campaign period para sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Inihayag ito ni Comelec chairman George Garcia sa ambush interview sa Management Association of the Philippines (MAP) event sa Bonifacio Global City sa Taguig City nitong Miyerkules.
“Puwede po silang mag-judge, puwede po silang magputong ng korona, puwede silang maglagay ng sash or whatever… puwede po silang mag-participate sa mismong pageant or anumang patimpalak pero bawal po silang magbigay ng anumang premyo o award o reward,” ani Garcia.
“Siguro po kung plaque wala naman po tayong problema po dun pero yung cash reward, that will be vote buying. Yung pagpapakain eh wala pong pinakaiba sa isang kampanya – kampanyahan po yun eh…so pag pinakain mo na yung lahat nang nandoon na nanonood ng pageant halimbawa, yun po ay vote buying na. Sana iwasan po natin yan,” dagdag ng opisyal.
“Kasi nga yung issue ng vote buying hindi lang ito liability ng mismong namimili ng boto kung hindi mismong yung nagbebenta ng boto or yung nanghihingi so iwasan natin kasi nga madadamay yung mismong grupo or organisasyon,” paliwanag ni Garcia. RNT/SA