Home NATIONWIDE Comelec nagsagawa ng ACM demo sa New Era University

Comelec nagsagawa ng ACM demo sa New Era University

Manila, Philippines – Nagsagawa ng presentasyon at demonsrasyon ang Commission on Election (Comelec) sa New Era University (NEU) para sa paggamit ng bagong teknolohiya na Automated Counting Machine (ACM).

Ito na ang pinakamalaking ACM Roadshow Presentation na ginawa ng Comelec bilang bahagi ng paghahanda para sa darating na May 12, 2025 national at local elections kung saan naipakita sa demonstrasyon ang “state-of-the art technology” na dumaan sa masusing proseso at hamon bago pinagtibay ng Comelec.

Dumating sa nasabing presentasyon si Comelec Chairman George Erwin Garcia na mainit na tinanggap ng pamunuan ng NEU sa pangunguna ni President Dr. Alberto Domingo.

Hinikayat ni Dr. Domingo ang mga faculty at staff, maging ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang departamento, ang mga bagong botante mula sa Senior High School at mga opisyal ng Barangay New Era na lumahok at subukang makaboto gamit ang makabagong teknolohiya na limang beses nang ginamit sa Presidential elections sa South Korea, Iraq at Congo.

Sinabi naman ni Comelec Chairman Garcia na ang NEU community ang may pinakamalaking bilang ng dumalo at lumahok sa presentasyon na ginamita pa ng Comelec ng 10 ACM na karaniwan lamang sa mga naunang demonstrasyon ay dalawa hanggang tatlong ACM lamang.

“Tulungan niyo po ang Comelec. Sana maibigay niyo po ang tiwala sa proseso at Comelec,” panawagan ni Garcia.

Inamin din ng chairman na bagama’t ikinokonsidera ang bagong ACM na “best machine for automated elections” ay mananatili aniya ang “vote buying, harassment and terrorism” sa pagsasabing “balewala ang lahat maging ang modernong machine kung mananatili ang mga challenges na ito.Walang vote buyer kung walang vote seller.”

Nagpasalamat din si Garcia sa Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo Kapatid na Eduardo V. Manalo at sa pamunuan ng NEU sa pagpayag na makapagdaos ng demonstrasyon ang Comelec sa pamantasan.

Sa bahagi ng demonstrasyon at pagpapakilala sa ACM ay pinangunahan ito ni Atty. Rex Laudiangco ng Education and Information Department ng Comelec sa tulong ng Information Technology personnel.

Aniya, bago napili ang ACM ng MIRU Systems ay nagsagawa muna ang Comelec ng National Elections Summit kung saan inimbitahan ang mga gumagawa o kompanyang may katulad na makinarya. Dito ay sinuri ng Comelec ang mga magagandang feature ng machine at saka naglatag ng standards na naipasa naman ng nasabing kompanya.

“14 inches screen, mabilis na pag-feed, security and protection. We rented 110,620 machines, pero ang gagamitin lang ay around 93, 600 at ang dami nating contingency. Ang gusto po kasi namin ay huwag ng maghintay ang mga botante kung magkaroon ng error. May battery na ang ACM tumatagal ng 72 hours at lalagyan natin ang 18 hubs in different islands. The diffrerent features of the ACM para hindi mahirapan ang mga teachers sa pagbitbit,” ani Laudiangco.

Idinagdag na rin sa presentasyon ang mga bagong hakbang at alituntunin na inilatag ng Comelec gaya ng mas maagang pagboto mula alas-5 hanggang alas-7 ng umaga ang mga Senior Citizen, may kapansanan at buntis; mall voting, at ang internet voting para sa mga overseas Filipino workers.

Sa kabuuan aniyang 18,320 na elective positions at ang bilang ng mga kandidato ay nasa 44, 299 ay sigurado nang hindi papasok o talo na ang may 25,979 na kandidato. Meliza Maluntag