MANILA, Philippines- Palalawakin at lilinawin ni Senador Sherwin Gatchalian ang paggamit ng Special Education Fund (SEF) upang mas maging epektibo ang paglalaan ng pondo habang tinitiyak ang mekanismo ng transparency.
Sinabi ni Gatchalian na nakasaad sa 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 155) na naglalayong palakasin ang papel ng local government units (LGUs) sa sektor ng edukasyon.
Layon ng naturang batas na palawakin ang saklaw ng local school board at ang mga responsibilidad nito, kabilang ang pagbabalangkas ng mga patakaran para sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon.
Batay sa mga ulat ng Commission on Audit (COA) noong 2023, milyong-milyong piso ang inilaan para sa pagpapahusay ng pampublikong edukasyon sa Metro Manila ang hindi nagastos nang maayos ng ilang LGU.
Sinabi ni Gatchalian na sa ilalim ng naturang panukalang batas, sasakupin ng pinalawak na gamit ng SEF ang sweldo ng mga guro at non-teaching personnel sa mga pampublikong paaralan, sahod ng preschool teachers, honorarium at allowances para sa dagdag na serbisyong ibinibigay sa labas ng regular na oras ng klase, capital outlay para sa mga preschool, pagpapatakbo at pagpapanatili ng mga programa sa Alternative Learning System (ALS), at iba pa.
Batay sa pagsusuri ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), umabot sa P15 bilyon ang halagang hindi nagamit mula sa SEF mula 2018 hanggang 2022.
Ayon pa sa komisyon, umabot sa 57% ang underutilization sa mga siyudad. Base sa Bureau of Local Government Finance, isa sa mga dahilan ng underutilization ng SEF ang mga isyu sa procurement at mga limitasyon sa kung saan ito maaaring gamitin.
Nakatakda sa Local Government Code of 1991 (Republic Act No. 7160), inilaan ang SEF sa mga local school boards para sa operasyon at maintenance ng public schools, kabilang ang pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga school buildings. Ang SEF ay nagmumula sa karagdagang isang porsyentong buwis sa real property.
Oras na maisabatas ang panukala ni Gatchalian, magiging mandato sa local school boards na magkaroon ng transparency board at web portal na mag-uulat ng impormasyon tulad ng aktuwal na koleksyon at paggamit ng SEF sa isang budget year; quarterly reports sa aktwal na kita, gastusin at balanse ng SEF; aktwal na kita at gastusin ng SEF noong nakaraang fiscal year; at schedule ng pagpapatayo ng mga classroom sa ilalim ng school building program; at iba pa. Ernie Reyes