Home NATIONWIDE Comelec planong maglagay ng satellite voting centers malapit sa Bulusan

Comelec planong maglagay ng satellite voting centers malapit sa Bulusan

MANILA, Philippines – Plano ng Commission on Elections (Comelec) na maglagay ng satellite voting centers sa mga lugar na apektado ng kamakailang pagputok ng Bulusan Volcano sa Sorsogon.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, kung may mga kababyan na madi-displace sa kanilang mga tirahan — magkakaroon ng satellite voting centers o offsite voting centers kung kakailanganin tulad sa Mt. Kanlaon.

Ayon kay Garcia, magpapatuloy ang halalan sa Mayo 12 sa mga apektadong lugar hanggat wala pa ring mga elementong nagbibigay-katwiran sa pagpapaliban ng halalan tulad ng karahasan, terorismo, pagkawala at pagkasira ng mga election paraphernalia, force majeure at iba pang katulad na dahilan.

Nauna nang inilatag ng poll body ang mga contingency plan para sa pagsasagawa ng 2025 national at local elections (NLE) sa Negros Island kasunod ng pagputok ng Kanlaon Volcano noong Abril 8.

Kabilang rito ang pagtatayo ng mga offsite voting centers sa mga apektadong lugar. Jocelyn Tabangcura-Domenden