MANILA, Philippines – MAGPAPATUPAD ang gobyerno ng Pilipinas ng mahigpit na guidelines at monitoring sa pagpasok ng digital nomads sa bansa.
Layon nito na hindi ito magreresulta ng kahalintulad na usapin na lumitaw mula sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) operations.
Kasunod ito ng pagpapalabas sa Executive Order 86 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinahihintulutan ang pagkakaloob ng Philippine visa para sa digital nomads o foreign nationals na naghahangad na pansamantalang manirahan at magtrabaho nang malayuan sa bansa.
Sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang hakbang ay naglalayong palakasin ang ekonomiya at turismo ng bansa.
“Definitely, if we will have more tourists, we will definitely have more income, and it will definitely also benefit the country and the Filipino people,” ang sinabi ni Castro.
Sa kabilang dako, tiniyak naman ni Castro sa pubiko na mananatili ang pangangalaga para tugunan ang mga hinaing na maaaring lumutang mula sa inisyatiba, kabilang na ang posibleng pagdagsa ng mga foreign nationals na sangkot sa criminal activities.
“We will be having monitoring. Unlike with the POGOs before, we will be securing, definitely, the processes regarding this,” ang sinabi ni Castro.
“There will always be security features in order to protect our country from any scammers or any violations of the law,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, ipinag-utos naman ni Pangulong Marcos ang total ban ng POGOs noong nakaraang taon dahil sa kanilang pagkaka-ugnay sa krimen gaya ng human trafficking, prostitution, at murder.
Sinabi pa ni Castro na kasalukuyan nang binabalangkas ng pamahalaan ang guidelines para sa visa program, na magbibigay ng mas maraming detalye hinggil sa proseso.
Sa ilalim ng EO, ang Department of Foreign Affairs ay may kapangyarihan na magpalabas ng Digital Nomad Visas sa non-immigrant foreigners “who desire to enter and/or stay in the country for a temporary period for the purpose of working remotely using digital technologies, and whose clients or employers are situated outside the Philippines.” Kris Jose