MANILA, Philippines- Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) at Philippine National Police sa publiko na walang dapat ikabahala kapag nakakita ng election checkpoint sa pagsisimula ng gun ban sa Enero 12 bilang paghahanda para sa May 2025 election.
Ayon kay MPD-PIO Chief Major Philipp Ines, sa checkpoint ay mayroong marked vehicle, signage kung saan nakalagay ang pangalan ng team leader bukod pa sa nakasuot ng tamang uniporme na may nameplate at nasa maliwanag na lugar kapag gabi.
Pinayuhan ni Ines ang mga motorista o may dalang mga sasakyan na kapag daraan sa checkpoint ay patayin ang headlight, buksan ang cabin light, ibaba nang bahagya ang bintana ng sasakyan at makipagtulungan at wala namang magiging problema.
Hindi naman aniya nire-require na buksan ang sasakyan maliban na lamang kung may kahina-hinalang makikita sa loob ng sasakyan o may impormasyon ang awtoridad tungkol sa motorista.
Pagtitiyak ng mga awtoridad, magiging maingat sila sa pagsunod sa regulasyon.
Sa panig naman ng Comelec, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na kailangan ang sambayanan upang mai-report o masabi sa komisyon kung ano ang dapat nilang gawin.
Humingi rin ng paumanhin si Garcia sa sambayanan kung magdudulot ng istorbo at trapik ang gagawing checkpoint dahil para rin naman aniya ito sa sambayanan. Jocelyn Tabangcura-Domenden