Home NATIONWIDE Mga Pinoy na apektado ng LA wildfires handang asistihan ng PH gov’t

Mga Pinoy na apektado ng LA wildfires handang asistihan ng PH gov’t

MANILA, Philippines- Nakahanda ang gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tulungan ang mga Pilipinong apektado ng “massive wildfires” sa katimugang bahagi ng estado ng California.

“Sa ngayon, we’ve been trying to reach ‘yung ating mga kababayan through all possible means… Marami sa ating mga kababayan ay under mandatory evacuation,” ang sinabi ni DFA Assistant Secretary Adelio Angelito Cruz sa isang panayam.

Nauna rito, umapela ng tulong ang mga Pilipino at Filipino-Americans na apektado ng malawakang wildfires matapos na ilan sa mga ito ay mawalan ng mga ari-arian dahil sa sunog.

Sa kabilang dako, nagpalabas naman ang Philippine Consulate General sa Los Angeles ng abiso na nananawagan sa mga mamamayang Pilipino na pag-ukulan ng pansin ang diplomatic post para sa tulong.

“The Consulate is coordinating with local authorities and closely monitoring the situation of Filipino nationals in the affected areas. Filipino nationals requiring the Consulate’s assistance may call (323) 528-1528,” ang sinabi ng Consulate sa naturang abiso.

Sinabi pa rin ni Cruz na tanging tatlong pamilyang Pinoy ang humingi ng tulong mula sa gobyerno ng Pilipinas.

“Kakaunti lamang ang humihingi ng tulong sa amin. We are assuming na marami silang kamag-anak sa LA at doon muna sila na naninirahan… Sa Palisades, walang masyadong mga Pilipino,” aniya pa rin.

Winika pa nito na may mahigit sa tatlong milyong Filipino ang nasa kabuuang estado ng California. Kris Jose