Home NATIONWIDE Comelec probe kay Sen. Marcoleta, natapos na

Comelec probe kay Sen. Marcoleta, natapos na

190
0

MANILA, Philippines – Natapos na ng Commission on Elections (Comelec) ang imbestigasyon kaugnay sa umano’y hindi pagdedeklara ni Senador Rodante Marcoleta ng mga donor sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) para sa eleksyon noong Mayo 2025.

Nakatakda namang maglabas ng resolusyon ang Political Finance and Affairs Department (PFAD) kaugnay sa umano’y hindi tamang pagdedeklara ng mga natanggap na kontribusyon sa kanyang SOCE noong 2025 midterm elections.

Sa kanyang counter-affidavit, iginiit ni Marcoleta na ang mga donasyon ay ginawa bago siya opisyal na maideklarang kandidato, alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Penera vs. Comelec, na nagsasabing ang mga aspirante sa automated elections ay opisyal na nagiging kandidato lamang sa unang araw ng campaign period.

Noong Nobyembre 2025, naglabas ang Comelec ng show cause order (SCO) na nag-aatas kay Marcoleta na ipaliwanag ang kanyang pahayag na hindi niya ganap na idineklara ang mga donor sa kanyang SOCE para sa midterm elections noong nakaraang taon.

Pinagpapaliwanag din ng SCO ang umano’y hindi pagkakatugma ng kanyang SOCE at Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, nakatuon ang imbestigasyon sa kanyang SOCE.

Inamin ni Marcoleta na hindi niya idineklara ang mga natanggap na kontribusyon para sa eleksyon noong Mayo 2025 dahil hiling ng kanyang mga donor na manatiling anonymous.

Batay sa kanyang SOCE, gumastos ang senador ng P139.9 milyon para sa kampanya, mas mataas kaysa sa kanyang SALN na P51,965,559.

Samantala, hindi na nagbigay ng detalye si Garcia kung kailan maglalabas ng resolusyon ang PFAD.

Dagdag pa ni Garcia, nasa Law Department na kung magsasagawa ng preliminary investigation, dahil siya ay nag-inhibit at hindi nakikialam sa proseso.

Nauna nang sinabi ni Garcia na kailangang ideklara ng mga kandidato ang kanilang mga gastusin at donasyon, lalo na kung ang mga ito ay naganap sa panahon ng kampanya, alinsunod sa Section 99 ng Omnibus Election Code.

— Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here