Home NATIONWIDE Presidential coalition sa 2028 elections, malabnaw pa – Malakanyang

Presidential coalition sa 2028 elections, malabnaw pa – Malakanyang

167
0

MANILA, Philippines – HINDI pa napag-uusapan sa Malacañang ang presidential candidate ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang posibleng koalisyon para sa 2028 elections.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang panayam na ang usapin sa politika ay wala sa agenda ng administrasyon.

“Sa totoo lang, kapag nakakasama natin ang Pangulo sa pagme-meeting, hindi po talaga napag-uusapan sa ngayon ang politika patungkol diyan,” ayon kay Castro.

Ani Castro, walang panahon ang Pangulo sa usaping politikal dahil abala ito sa paghahanda para sa ASEAN meetings at pakikipag-usap sa economic teams upang maging mas mabuti at maayos ang kondisyon ng bansa.

Sa kabilang dako, inurirat naman si Castro sa plano ng Pangulo kasunod ng anunsyo ni Vice President Sara Duterte na tatakbo ito sa pagka-pangulo sa 2028 elections.

“If you’re a politician, you will think of the next election. But if you are a statesman, you will think of the next generation,” ani Castro.

“So, ’yung mga nag-iisip ngayon ng politika, ang aga-aga, alam mo na ang nasa dibdib, para i-angat ang sarili, i-promote agad ang sarili. Hindi iniisip na i-promote ang bansa,” aniya pa.

At nang tanungin ukol sa posibilidad na tambalang VP Sara Duterte at Senador Imee Marcos sa nalalapit na halalan, ang tugon ni Castro ay: “Parang Powerpuff Girls lang. Kulang pa ng isa. Girl power daw. Ramdamin ng buong Pilipinas ang kanilang power. Team Itim Power ’yan actually. Hindi girl power.”

Matatandaang naglunsad ng political ads si Senador Imee Marcos kasama si VP Sara Duterte kung saan inilarawan sa kulay na itim ang sitwasyon ng bansa dahil sa mga krimen at karahasan.

Samantala, sinabi ni Castro na hindi pa niya nababanggit sa Pangulo ang Sara–Imee tandem para sa 2028 elections.

— Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here