Home NATIONWIDE Comelec: Proklamasyon ni Digong bilang Davao mayor walang utos na suspensyon

Comelec: Proklamasyon ni Digong bilang Davao mayor walang utos na suspensyon

MANILA, Philippines – Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na sa kasalukuyan ay walang utos upang suspindihin ang proklamasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang alkalde ng Davao City.

Ayon kay Garcia, bagamat may naisampang kaso laban kay Duterte, hindi pa ito nararaffle sa alinmang division ng Comelec at wala pang inilalabas na aksyon. Dahil dito, maaaring hindi pa ito maaksyunan sa kasalukuyan.

Ipinaliwanag pa niya na sa ilalim ng batas, maliban na lamang kung may kautusang nagsususpinde ng proklamasyon, ang isang kandidato ay maaaring iproklama kahit may nakabinbing kaso laban sa kanya.

Nang tanungin kung ano ang magiging hakbang ng Comelec sakaling pigilan ng International Criminal Court (ICC) si Duterte na manumpa sa kanyang panunungkulan, sinabi ni Garcia na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ang may hurisdiksyon at siyang hahawak sa usaping ito.

Sa katatapos lamang na midterm elections, nakuha ni Duterte ang pinakamataas na bilang ng boto sa mayoral race ng Davao City na umabot sa 662,630, batay sa opisyal na resulta mula sa Comelec. Jocelyn Tabangcura-Domenden