Home METRO Partido Navoteño, wagi sa landslide sa Navotas; Tiangco brothers muling iniluklok

Partido Navoteño, wagi sa landslide sa Navotas; Tiangco brothers muling iniluklok

118
0

NAVOTAS CITY – Muling ipinamalas ng mga botanteng Navoteño ang kanilang matatag na suporta sa Partido Navoteño, sa pamamagitan ng landslide na panalo ng buong partido sa katatapos na halalan, kabilang na sina Congressman Toby Tiangco at Mayor John Rey Tiangco.

Ipinahayag ng Commission on Elections (COMELEC) City Board of Canvassers ang opisyal na resulta alas-12:10 ng madaling-araw nitong Martes, Mayo 13, 2025, kung saan pormal na idineklara ang mga nanalong opisyal ng lungsod—mula kongresista, alkalde, bise alkalde, hanggang mga konsehal.

Si Mayor John Rey Tiangco, na tumakbong unopposed, ay nakakuha ng 120,283 boto, habang ang kanyang kapatid na si Congressman Toby Tiangco ay nanguna sa congressional race na may 116,622 boto.

Nagpasalamat ang Tiangco brothers sa mga Navoteño sa pamamagitan ng isang Facebook Live kasunod ng kanilang proklamasyon.

“Maraming salamat po sa inyong suporta, hindi lamang ngayong eleksyon kundi sa bawat programang ating isinusulong… Ang tagumpay na ito po ay simula pa lang dahil ang tunay na tagumpay ay makukuha lang natin kapag naibigay na natin sa ating mga kababayan ang mga serbisyong makapagtataas pa sa antas ng pamumuhay sa ating lungsod,” ani Mayor Tiangco.

Samantala, binigyang-diin ni Cong. Toby Tiangco ang kanilang patuloy na hangarin na makapaglingkod nang mas mahusay.

“Ang panalong ito ay gagamitin nating inspirasyon para mas mapaglingkuran pa ang mga Navoteño. Maraming, maraming salamat po sa inyong muling pagtitiwala at suporta sa atin at sa buong Partido Navoteño.”

Walang naging kalaban sa halalan si re-electionist Vice Mayor Tito Sanchez at nakakuha ng 110,981 boto.

Nangibabaw rin ang mga konsehal ng Partido Navoteño sa buong lungsod. Sa District 1, nanguna sina Rey Monroy, Lance Santiago, RV Vicencio, at Tarok Maño. Sa District 2, wagi sina Clint Geronimo, Migi Naval, Abu Gino-Gino, CJ Santos, at Liz Lupisan.

Naiproklama rin bilang mga bagong konsehal ang mga first-time candidates na sina Mylene Sanchez, Anna Nazal, at Rochelle Vicencio.

—Jojo Rabulan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here