Nagsimula na ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.Nasa Senate impeachment court ang prosekusyon at depensa, kasama ang Senator-Judges mula sa Minorya at Mayorya.Larawan kuha ni Cesar Morales
MANILA, Philippines – Nanawagan ang Malakanyang sa ilang senator-judges na humahantad at umaakto bilang defense lawyers sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi dapat winawalis ng mga ito ang katotohanan na dapat lumabas mula sa proceedings.
Binigyang diin ni Castro na dapat na panatilihin ng ilang senator-judges ang “walang kinikilingan at walang pinapanigan.”
“Marami po kasing lumalabas sa impeachment ayon sa PCO na nag-aaktong mga lawyer, na hindi dapat, dahil dapat maging impartial, manatiling walang bias ang mga senator-judges,” ayon kay Castro nang hingan ng reaksyon ukol sa pang-13 day ng trial.
“So, hindi po sila mandato na walisin ang katotohanan. So huwag silang magdala ng walis sa Senado,” aniya pa rin.
Si Castro, isa ring trial lawyer, nagpahayag na ang itinatag na mga tuntunin at mga pamamaraan ay gabay sa proceedings.
Gayunman, sinabi ni Castro na ang interpretasyon ng mga nasabing patakaran ay tila nabago at ang mga saksi ay hindi na pinapayagan na tapusin ang kanilang mga sagot.
Binigyang diin pa ni Castro na ang mga senator – judges ay dapat na nagbabato ng mga tanong para lamang sa paglilinaw at hindi dapat nagsasagawa ng cross-examinations.
“Hindi po sila dapat nakikipag-debate sa witness, kasi ang mandato nila, kunin ang katotohanan para sa taumbayan, hindi para walisin ang batas, walisin ang dapat na malaman ng tao para lang pagtakpan ang kalokohan diumano ng iba,” ang winika ni Castro.
“Napanuod naman ng lahat ang impeachment trial. So makikita naman ninyo kung sino ang nagko-cross examine na mga judges sa Senado,” aniya pa rin.
At nang uriratin si Castro kung kaninong pahayag mula sa senator-judges ang maikokonsidera niyang “the most biased” sa buong itinakbo ng impeachment trial, tinuran ni Castro na ito ay ang senator-judge na nagsabi na “only the Special Disbursement Officer should be held accountable for the irregularities found in the confidential funds of Duterte’s offices.”
Sa kabilang dako, nagkomento naman si Casto sa ethics complaint na inihain ng grupo ng women’s rights advocates, student leaders, at civil society groups laban kay Sen. Pia Cayetano kaugnay sa spliced video na pinost nito sa online na nagpapakita ng tila inamin ni House prosecutor Rep. Chel Diokno sa impeachment trial na wala talagang ebidensiya ang prosekusyon at gumagawa lamang fishing expedition.
Ani Castro, depende sa motibo na nasa likod ng gumawa at nagpalabas ng video kung ito’y paglabag sa anti-fake news campaign ng PCO.
“Depende kasi ito sa motibo, ang motibo ba ay para ibahin ang naratibo, ang motibo ba na ito ay para ibaba ang dignidad noong ibang tao na nasa video,” ayon kay Castro.
“So depende po ito sa mga motibo nung gumawa ng spliced video, pero bilang lawyer obligasyon ng mga lawyers na hindi magpakita ng fake news or mag-promote ng fake news,” aniya pa rin.
Hinikayat naman ni Castro ang mga bumabatikos sa desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang consolidated petitions na inihain ni VP Sara at grupo ng mga abogado sa pangunguna ni Israelito Torreon, nanawagan na ipawalang-bisa ang House impeachment proceedings.
“Lahat po ng naapektuhan, iyan lagi ang sinasabi, politically motivated. So, siguro mas dapat i-level up nila ang kanilang diskurso para hindi sila nananatili sa pinakamababang diskurso o argumento na politically motivated,” ang winika ni Castro. (KRIS JOSE)