Home OPINION SAFE LOAN NG PAG-IBIG, MALAKING TULONG SA MGA MIYEMBRO

SAFE LOAN NG PAG-IBIG, MALAKING TULONG SA MGA MIYEMBRO

2
0

TUNAY na maaasahan at malaking tulong para sa mga manggagawang Pilipino ang SAFE Loan ng Pag-IBIG Fund sa panahon ng kanilang matinding pangangailangang pinansyal. Dahil dito, mismong si Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer (CEO) Marilene Acosta na ang personal na nakatutok sa operasyon sa lahat ng mga sangay sa bansa upang masiguro ang mabilis, maayos, at ligtas na pagpoproseso ng mga aplikasyon para sa kapakanan ng mga miyembro.

Dahil sa dagsa ng mga aplikanteng nagtitiwala at nagnanais na makakuha ng agarang pondo sa iba’t ibang sangay nitong mga nakaraang araw, nag-deploy na ang pamunuan ng karagdagang mga tauhan at evaluators upang mas mabilis na asikasuhin ang publiko. Bukod dito, pormal ding pinalawig ang oras ng operasyon ng kanilang processing teams sa pamamagitan ng pagbubukas ng night shift operations. Ang hakbang na ito ay naglalayong masiguro na walang patid ang pagrepaso ng mga papel gabi-gabi upang mas maraming miyembro ang mapaglingkuran at maipalabas agad ang loan proceeds sa mga pamilyang nangangailangan ng tulong ngayong taon.

Kasabay nito, pinaalalahanan ni CEO Acosta ang publiko na huwag pumatol sa mga alok sa social media na nagpapanggap na konektado sa ahensiya at nangangako ng mabilis na pag-apruba kapalit ng komisyon o bayad. Giit ng pamunuan, daraan sa tamang opisyal na proseso ang lahat upang maprotektahan ang interes ng mga aplikante, at walang anumang “shortcut” na pinahihintulutan sa ilalim ng umiiral na batas.

Inirerekomenda sa mga miyembro na gamitin ang opisyal na Virtual Pag-IBIG platform na bukas 24 oras upang ligtas na matingnan ang estado ng kanilang utang mula sa kanilang mga tahanan. Dapat din nilang tiyakin na tama at updated ang kanilang registered mobile numbers upang agad na matanggap ang mga opisyal na SMS text alerts mula sa ahensiya kaugnay ng estado ng aplikasyon. Nagpapasalamat naman ang Pag-IBIG Fund sa patuloy na tiwala at pang-unawa ng publiko habang ginagawa ng buong processing team ang lahat ng makakaya upang mas lalo pang mapabilis ang paghahatid ng kanilang serbisyo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here