MANILA, Philippines- Nanawagan ang Commsision on Elections (Comelec) nitong Linggo sa aspirants para sa 2025 national at local elections na umiwas sa pangangampanya sa gaganaping peace rally ng Iglesia ni Cristo (INC) ngayong Lunes, Enero 13.
Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, hindi sila magmo-monitor sa naturang aktibidad bilang respeto para sa gagawing aktibidad na isang faith rally.
Umapela si Garcia sa mga politiko na iwasang gamitin ang mga relihiyosong kaganapan para sa politikal na pakinabang gaya ng binibigyang-diin noong Traslacion.
Noong nakaraang linggo, pinaalalahanan ng Comelec ang aspirants na huwag gamitin ang Kapistahan ng Jesus Nazareno upang palawakin ang mga ambisyon sa politika.
Binigyang-diin ni Garcia na ang mga okasyong panrelihiyon ay dapat manatiling malaya sa pakikialam sa politika.
Nitong Lunes, Enero 13, isasagawa ng INC ang peace rally para suportahan ang paninindigan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr laban sa mga pagsisikap na ma-impeach si Vice President Sara Duterte.
Inaasahang bubuhos ang tao hanggang isang milyon sa rally sa Quirino Grandstand gayundin ang iba pang venue na inihanda sa buong bansa kabilang ang Rizal Park sa Davao City.
Dahil sa malaking rally, sinuspinde ang mga pasok sa gobyerno at klase sa lahat ng antas sa pasay at Manila.
Sinuspinde rin ng lokal na pamahalaan ng Quezon at Davap City local government ang klase at limitadong government workforce operations. Jocelyn Tabangcura-Domenden