Home NATIONWIDE Comelec sa Kongreso: Paggamit ng barangay certificate sa voter registration, ipagbawal

Comelec sa Kongreso: Paggamit ng barangay certificate sa voter registration, ipagbawal

MANILA, Philippines – Inulit ng Commission on Elections (Comelec) ang panawagan nito sa Kongreso na maglabas ng batas na nagbabawal sa paggamit ng Barangay certificates sa pag-apply para maging botante kasunod ng pagtanggi sa ilang aplikasyon para ilipat ang mga talaan ng pagboto dahil sa kakulangan ng paninirahan.

Kamakailan ay tinanggihan ng election registration board (ERB) ng Comelec ang ilang aplikasyon para maging botante sa Makati, karamihan mula sa EMBO barangay.

Sinabi ni Comelec chairman George Garcia na pag-aaralan ng en banc ang rekomendasyon ng task force na binuo para mag-iimbestiga sa pagdami ng botante at parusahan ang Barangay officials na responsible sa usapin.

“Ang recommendation ng panel is to prosecute ang mga responsible sa pag issue, en masse, ng walang pakundangan, ng mga barangay certifications, mga barangay officials yun. Sa kasalukuyan ito ay nasa en banc, pinag-uusapan, at umasa kayo na the en banc will immediately come up with a resolution patuloy sa bagay na yan. Ito ba ay tatanggapin namin ang recommendation o irereject namin yung kanilang recommendation,” sabi ni Garcia.

Isa aniya sa kanilang rekomendasyon sa Kongreso na pakiusapang maipasa ang isang batas na kung saan ipagbabawal ang barangay certification bilang ebidensya ng residency sa isang lugar.

Idinagdag pa ni Garcia na ikinokonsidera rin ang pagpapatupad ng automated biometric identification system na gagamit ng facial at iris recognition at 10 fingerprints bilang paraan ng pagtukoy sa mga botante at pag-operaye sa voting machines. Sa paraang ito, sinabi ni Garcia na maiiwasan ang flying voters.

Ayon kay Garcia, kapag nagawa ito sa susunod na election ayaari nang isama sa machine ang mismong voter identification. Jocelyn Tabangcura-Domenden