Home NATIONWIDE Comelec sa mga kandidatong planong umatras: Mag-withdraw na habang ‘di pa muling...

Comelec sa mga kandidatong planong umatras: Mag-withdraw na habang ‘di pa muling nag-iimprenta ng balota

MANILA, Philippines- Umatras na kayo habang hindi pa kami nag-iimprenta.

Ito ang panawagan ni Comelec Chairman George Erwin Garcia sa mga kandidato para sa May 2025 elections habang hindi pa sila muling nagsisimula sa pag-imprenta ng mga balota.

Ipinanawagan ito ni Garcia kasunod ng pag-atras sa senatorial race ng Youtube personality na si Francis Leo Antonio Marcos ngayong Huwebes sa tanggapan ng Comelec.

Binigyang-diin ni Garcia na sa bawat kandidato na umaatras ay gumugugol sila ng dalawa hanggang tatlong araw para sa pagbabagong teknikal na sistemang gagamitin sa halalan.

Dahil sa pag-atras ni Leo Marcos, sinabi ni Garcia na ‘back to zero’ na naman sila kaya sa halip na makapagsimua sila ng pag-imprenta ng balota bukas, Enero 24, ay hindi na naman ito matutuloy.

Ayon kay Garcia, sa susunod na linggo na lamang nila ito gagawin ngunit umaasa ang komisyon na makapag-withdraw na ang mga aspirants na nais umatras sa halalan.

Ani Garcia, hanggang bukas ng tanghali ay dapat makapag-withdraw na ang mga kandidatong nagbago ang isip sa pagtakbo.

Paglilinaw din ni Garcia na hindi na buburahin sa balota at ituturing na lamang na ‘stray votes’ ang makukuhang boto ng sinumang kandidato na hindi agad nakapag-withdraw at napasama pa rin ang kanilang pangalan bago ang pag-imprenta ng mga balota. Jocelyn Tabangcura-Domenden