Home NATIONWIDE Comelec umaasang makaaabot sa 3M botante sa Sept. 30

Comelec umaasang makaaabot sa 3M botante sa Sept. 30

MANILA, Philippines- Umaasa ang Commission on Elections (Comelec) na maabot man lang ang target na bilang ng mga botanteng aplikante para sa 2025 midterm elections.

Sinabi ni Comelec chair George Garcia noong Sabado na 700,000 ang layo nila sa target nilang tatlong milyong botante.

Ang deadline para sa registration ay sa Sept. 30

“Mahaba pa. Three million ang projection namin. Meron pa kaming 700,000 na hinahabol at baka sumobra pa,” sabi ni Garcia.

Noong Abril 26, 2024, ang kabuuang bilang ng mga aplikasyon ay umabot na sa 2,397,555, na may 1,240,410 sa kanila ay mga babae.

Sa kabuuan, sinabi ni Garcia na halos isang milyon ang mga bagong botante.

Ang Rehiyon IV-A o Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ay may pinakamaraming aplikasyon sa 439,842, na sinundan ng National Capital Region na may 357,801.

Kumpleto sa top five ang Region III (Central Luzon), 276,199; Region VII (Central Visayas), 171,942 at Region XI (Davao Region, 130,632).

Naitala naman ng Cordillera Autonomous Region (CAR) ang pinakamababang bilang ng mga nagparehistro sa 30,086, sinundan ng Region IV (Mimaropa) na 58,623 at Caraga na may 63,587. Jocelyn Tabangcura-Domenden