Home NATIONWIDE Commercial fishing sa loob ng 15km municipal waters ipinatitigil sa SC

Commercial fishing sa loob ng 15km municipal waters ipinatitigil sa SC

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema sina 1987 Constitution framer Atty. Christian Monsod, Cardinal Pablo Virgilio David, at ang Environmental Legal Assistance Center upang hilingin ang pagpapatigil ng commercial fishing sa loob ng 15-kilometrong municipal waters ng Malabon City.

Sa isinumiteng petition for certiorari, hiniling ng mga petitioner na baligtarin ang desisyon ng Malabon Regional Trial Court (RTC) na pumapayag sa mga commercial fishing vessel na mangisda sa nasabing lugar.

Ayon sa petisyon, “This case [has] thrown the constitutional status of municipal fisheries regulations across the country into disarray and instability.”

Noong 2023, pinayagan ni Malabon RTC Judge Zaldy Docena ang petisyon ng Mercidar Fishing Corporation na magsagawa ng commercial fishing sa loob ng municipal waters, sa kabila ng Fisheries Code na naglalaan lamang ng lugar na ito para sa maliliit na mangingisda.

Idineklara rin ng RTC na labag sa Konstitusyon ang naturang probisyon ng Fisheries Code, dahilan upang magkaroon ng legal na lamat sa pangangalaga ng municipal waters.

Nitong nakaraang taon, pinagtibay ng First Division ng Korte Suprema ang desisyon ng RTC matapos mabigong magsumite agad ng motion for reconsideration ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Nakasaad sa inihaing petisyon na inalis ni Judge Docena ang lahat ng “constitutional and statutory protections” sa municipal waters.

Iginiit ng mga petitioner na walang bisa ang naging desisyon ng RTC dahil hindi isinama ng Mercidar sa kaso ang mga mahahalagang partido gaya ng Kongreso at mga fisheries management councils.

“Philippine waters, now lawless, are at this very moment being pillaged by commercial fishing corporations with no legal or constitutional impediment,” saad pa sa petisyon. Teresa Tavares.