Home NATIONWIDE May 1 holiday pay rules ipinaalala ng DOLE

May 1 holiday pay rules ipinaalala ng DOLE

May karapatang tumanggap ng 200 porsiyento ng kanilang arawang sahod ang mga manggagawa sa pribadong sektor na magtatrabaho sa unang walong oras sa darating na Huwebes, Mayo 1, Araw ng Paggawa, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa ilalim ng Labor Advisory No. 5, Series of 2025, muling iginiit ng DOLE na ang Mayo 1 ay isang regular holiday alinsunod sa Presidential Proclamation No. 727 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Para naman sa trabahong lampas sa walong oras, karagdagang 30 porsiyento ng kanilang oras-oras na sahod ang nararapat na ibayad sa mga empleyado bilang overtime pay.

Samantala, ang mga empleyadong hindi magtatrabaho sa Mayo 1 ay may karapatan pa ring tumanggap ng kanilang buong arawang sahod, kung sila ay pumasok o may bayad na bakasyon sa araw ng trabaho bago ang holiday.

Nilinaw din ng DOLE na kung ang araw ng trabaho bago ang Mayo 1 ay tumapat sa araw ng pahinga o non-working day, nananatiling kuwalipikado ang mga manggagawa sa holiday pay basta’t sila ay pumasok o may bayad na leave sa huling araw ng trabaho bago ang nasabing holiday.

Binigyang-diin pa sa advisory na ang mga empleyadong ang araw ng pahinga ay tumapat sa Mayo 1 at piniling pumasok sa trabaho ay may karapatan sa karagdagang 30 porsiyento ng kanilang basic wage para sa unang walong oras ng trabaho, at dagdag na 30 porsiyento rin sa kanilang hourly rate kung sila ay mag-overtime. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)