MANILA, Philippines – Nagpahayag ng buong suporta ang hog raiser associations, cooperatives at veterinary practitioners sa programa ng Department of Agriculture (DA) na pagbabakuna laban sa African Swine Fever (ASF), sa pamamagitan ng Bureau of Animal Industry (BAI).
Simula nang magka-outbreak ng ASF noong 2019 ay naging malaki na ang epekto nito sa lokal na produksyon at suplay ng baboy na nagresulta sa malaking pagkalugi sa kabuhayan ng maraming magbababoy sa bansa.
Sa isang aktibidad na ginanap kamakailan sa SMX Convention Center, sinabi ni Rep. Nicanor ‘Nikki’ Briones, Pangulo ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist, na matagal nang hinihintay ng mga magbababoy ang bakuna laban sa ASF kaya sila ay nagpapasalamat at natutuwa dahil natupad na rin ang kanilang inaasam.
Noong Àgosto 30, partikular na nakatanggap ng bakuna kontra ASF ang mga hog farmer sa Batangas na lubhang maapektuhan ng nasabing virus sa mga baboy.
Ang ASF vaccination ay programa ng Department of Agriculture na isa sa nanguna sa pagbabakuna sa mga alagang baboy sa Batangas.
Sa panig naman ni Chester Tan ng National Federation of Hog Farmers, Inc Chairman/President na tiwala siya na malaki ang maitutulong ng bakuna sa pagsugpo sa sakit na ASF.
Nakikiusap naman ang Pork Producers Federation of the Philippines sa pangunguna ng kanilang presidente na si Rolando Tambago na magsagawa ng mabilis at walang pagkaantala ang vaccination program laban sa ASF sa mga probinsya na may mga naitalang kaso ng nasabing sakit sa baboy, partikular sa mga backyard hog raisers na apektado ng outbreak.
Hinihiling din ni Briones na ipatupad ang isang sistematikong roll-out sa pag-deputize ng mga vaccinator at pagpapakilos ng Local Government Unit (LGU), ahensya ng gobyerno at sa partisipasyon ng mga kooperatiba, private veterinarians, suppliers ng veterinary products, at iba pang mga volunteers upang agarang maiturok ang 10,000 doses sa baboy ng mga backyard raisers.
Sa kasalukuyan, 46 baboy ang nabakunahan sa unang araw, at aabutin ito ng pitong buwan upang ganap na maibigay ang mga naturang doses ng bakuna sa ASF.
Ang DA, sa pamamagitan ng BAI, maaaring magtalaga ng mga private veterinarians upang tumulong sa pagbabakuna, habang ang mga akreditadong laboratoryo ng DA-BAI, maaaring pahintulutan na magsagawa ng blood testing galing sa mga baboy bago ang pagbabakuna.
Sa pamamagitan nito, makatitiyak tayo sa mabilis na pangangalaga sa industriya ng baboy laban sa ASF.
Pinupuri ng grupo ng mga magbababoy ang DA at BAI sa pagsisikap nito sa pag-oorganisa ng programa sa pagbabakuna.
Umaasa ang grupo na papayagan ng DA at FDA ang commercial use na paggamit ng bakuna sa ASF sa susunod na buwan matapos na malaman kung may sapat na antibody ang mga nabakunahang baboy para labanan ang ASF.
Ayon kay Briones, ito ay para sa kapakinabangan ng mga pork producers and consumers. Jocelyn Tabangcura-Domenden