MANILA, Philippines- Ipinanukala ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang paglikha ng Senate Committee of the Whole sa harap ng ideya na paiimbestigahan ang war on drugs ng Duterte administration.
Kamakailan, inihayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na gusto nitong paimbestigahan ang drug war ng Duterte administration alinsunod sa ideya ni Senador Bong Go sa paghahain ng resolusyon hinggil dito “kung kinakailangan.”
Pinangunahan ni Dela Rosa, bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) ang drug war na umabot sa mahigit 20,000 ang napatay ng petty pusher at user kabilang ang ilang inosenteng kabataan.
“Ipapanukala ko po sa Senate leadership na magkaroon ng Senate Committee of the Whole kung saan buong Senado ang mag-iimbestiga sa war on drugs ng nakaraang administrasyon,” ayon kay Hontiveros sa isang panayam.
“Dahil sa pamamagitan niyang Senate Committee of the Whole, umaasa ako na mas panatag at mas maieengganyo rin na sumali at tumestigo ang victim survivors ng war on drugs. Dapat marinig natin sila para malaman natin ang buong katotohanan,” dagdag niya.
Pangungunahan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang pagdinig ng Senate Committee of the Whole.
Sinabi ni Hontiveros na nasa desisyon ni Escudero kung iimbitahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Hinggil sa tanong tungkol sa imbestigasyon ni Dela Rosa, sinabi ni Hontiveros na may kanya-kanyang komite ang bawat senador.
“Kaming lahat ng senador ay may chine-chair na kani-kaniyang komite. Pero ang kagandahan din po ng Senate Committee of the Whole ay lahat po ng buong Senado ang may pantay-pantay na karapatan na mag-imbestiga sa paksang iyon,” wika niya.
Nitong Huwebes, sinabi ni Dela Rosa na nakatakda siyang magpaimbestiga sa drug war na kanyang inilunsad noong nakaraang administrasyon sa utos ni Duterte at nakatakdang imbitahan ang dating Pangulo.
Noong nakaraang linggo, ibinulgar ni dating police officer Royina Garma sa QuadComm hearing na gusto umano ni Duterte na ipatupad ang isang “Davao model” sa war on drugs sa national scale.
Ayon kay Garma, umaabot sa mahigit 20,000 hanggang P1 milyon ang pabuya sa makakapatay ng drug suspect. Ernie Reyes