Home NATIONWIDE Commo Tarriela kay Rep. Rodante: ‘Di kita tinawag na traydor

Commo Tarriela kay Rep. Rodante: ‘Di kita tinawag na traydor

MANILA, Philippines – Itinanggi ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela nitong Martes na binansagan niyang “traydor” si Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta kasunod ng pahayag ng mambabatas na walang West Philippine Sea (WPS), kundi ang South China Sea.

Ginawa ito ni Tarriela sa pagdinig ng House Tri Committee nang ikinalungkot ni Marcoleta na binansagan siyang traydor ng mga social media users dahil sa mga pahayag ni Tariella.

Noong Peb. 4, sinabi ni Marcoleta na ang terminong “WPS” ay wala sa anumang mga mapa at hindi pa nakarehistro sa buong mundo.

Sinabi ni Tarriela na hindi niya ginamit ang salitang ‘traydor’ sa paglalarawan ng pahayag ni Marcoleta na ang WPS ay isang kathang isip lamang.

Sinabi ni Tarriela na ang pagdinig ng isang tao na nagsasabing ang WPS ay gawa-gawa lamang ng gobyerno ng Pilipinas ay isang kasiraan at kahihiyan sa partido, organisasyon at maging sa pamilya ng indibidwal na iyon.

Nanindigan naman si Marcoleta na wala pang WPS, dahil hindi pa ito nakarehistro sa International Hydrographic Organization (IHO).

Ikinalungkot din ng mambabatas na hindi nag-effort ang opisyal ng PCG na linawin ang isyu sa pamamagitan ng pagtanggi na hindi naman talaga siya tinawag ni Tarriela na traydor.

“I am in no obligation to tell all the social media influencers, to vloggers, to defend your name, tell them you are not a traitor. Again, I did not mention that you are a traitor, Those words did not come from me. Why would I go to the extent of defending you, and you are running for the Senate, I might as well be interpreted as running for support in somebody running for public office,” tugon ni Tarriela sa mambabatas na tumatakbong Senador sa ilalim ng slate ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Muling iginiit ni Marcoleta na gusto lang niya na itanggi ng opisyal ng PCG na tinawag siyang traydor.

Nilinaw din ni Marcoleta na nais din niyang ipaalam sa publiko na ang WPS ay hindi pa opisyal na nakarehistro sa IHO, at ang mga batas na ipinasa ng Kongreso ay “preparatory” para sa aktwal na pagpaparehistro.

“Isip tuloy ng tao, grupo ng senatorial slate ni Digong ay pro-China. It now becomes an election disinformation that will impact the credibility of the election. Yun po ang gusto nating ayusin, yung misconception, misinformation,” sabi ni Marcoleta.

Samantala, nanawagan si Tarriela na gumawa ng batas laban sa online disinformation, partikular ang mga nagpapakalat ng “fake news” tungkol sa West Philippine Sea.

Sinabi niya na ang naturang batas ay mananagot sa “mga troll, influencer, at blogger para sa kanilang online content.”

Idinagdag pa na ang ganitong misinformation ay nagdudulot sa kalituhannat dibisyon sa mga mamamayang Filipino. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)