Home METRO Walang dengue outbreak sa Maynila – Mayor Lacuna

Walang dengue outbreak sa Maynila – Mayor Lacuna

NAG-SPRAY ng mosquito repellant ang isang lalaking ito sa bawat sulok ng kanyang tahanan matapos na opisyal na ideklara ng Quezon City Government ang dengue outbreak, habang ang kaso ay patuloy na tumataas. DANNY QUERUBIN

MANILA, Philippines – PINAWI ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang pangamba ng publiko partikular na ang mga Manileño makaraang tiyakin nito na walang dengue outbreak sa lungsod ng Maynila.

Nabatid na inatasan ni Mayor Lacuna ang mga opisyal ng Manila Health Department at ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office na magtalaga ng karagdagang anti-mosquito larvae kits sa mga barangay na kakikitaan ng pagtaas ng kaso ng dengue, pati na rin ng pagpapaigting ng misting operations.

“Klarong walang dengue outbreak sa Lungsod ng Maynila, as our case fatality rate stands at just 0.62%, and our attack rate is only 7.18. An attack rate of 10 to 100 per 10,000 population is considered high, particularly when sustained over time or occurring in a densely populated area,” ani Lacuna.

Batay sa ulat ng MHD, sa 897 na barangay sa Maynila, 25 lang ang nakitaan ng pagdami ng mga kaso ng dengue at karamihan sa mga tinamaan nasa edad 5 hanggang 39.

Ayon kay Lacuna, pinakamarami umanong kaso ng dengue ay sa District 1, 5, at 6 kung saan nasa apat ang naitalang namatay at tatlo sa mga ito ay residente ng District 3.

Napag-alaman na ipinagbilin naman ni Mayor Lacuna sa mga health center personnel, barangay health workers, nutrition scholars at sanitation specialists na kasama dapat sa search-and-destroy kontra lamok ang mga gulong sa ibabaw ng mga bubong at mga lalagyan ng mga halaman. JR Reyes