Home OPINION CON-ASS NG MGA ASO

CON-ASS NG MGA ASO

62
0

SI Senator Sherwin Gatchalian naman ang itinutulak ng mga tila hindi “maduming aso” na kasamahan niya para maging bagong Senate Prexy kahit napakaimposible na ito ay mangyari.

Patuloy ang “media spin” na magkakaroon ng kudeta, kung hindi man ngayon ay sa mga susunod na araw. Talagang pipilitin nilang mabuwag ang bagong mayorya sa pangunguna ni SP Alan Peter Cayetano upang makontrol nila uli ang Senado.

Maraming nagsasabing ang pagbabagong ito sa Senado ay may kaugnayan sa paglilitis upang tanggalin sa poder ang kanilang “kinamumuhian” o “kinatatakutan” na si Vice President Inday Sara Duterte.

Pero ang totoo, masyado raw naging kampante si Sen. Tito Sotto na ligtas ang kanyang pwesto. Ayon sa mga kumalat na tsismis, abala raw kasi si Sotto sa “pakikipulong” noon sa mga kabagang niya na ilang miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan tungkol sa planong pagbuo ng isang asembleya na magbabago sa ating Saligang Batas. Malinaw ang mga nakikitang pangyayari ng mga tagamasid sa pulitika.

Batid ng mga hindi “maduming aso” na hindi magiging madali na makakuha ng 16 boto upang mapatalsik si VP Sara.

Una, may anim na senador na muling tatakbo sa halalang 2028. Hindi nila marahil gugustuhing makatikim ng galit ng mga taga-Mindanao, Gitna at Silangang Kabisayaan, pati na rin sa National Capital Region kapag bumoto laban sa Bise-Presidente.

Kahit hindi makadalo si Sen. Bato dela Rosa sa trial at iharap sina Sens. Chiz, Jinggoy at Joel sa Sandiganbayan, hindi magbabago ang katotohanang wala pa rin silang makukuhang 16 boto upang magwagi. Tiyak na basura lang ang Impeachment.

At kapag nangyari ito, tuloy-tuloy na ang kanilang kinatatakutan na isang siguradong tagumpay ni VP Sara sa 2028.

Si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. at ang kanyang mga “aso” ay hindi lamang mawawala sa gobyerno. Karamihan sa kanila ay pihadong makakasuhan dahil sa pinakagarapal na iskandalo sa mga proyektong pangkontrol sa baha, at marami pang ibang atraso sa kabang bayan.

Isang “bangungot” na siguradong ayaw nilang mangyari sa kanilang buhay.

Kaya pagbabago sa Konstitusyon o Con-Ass ang kanilang naiisip upang manatili sila sa pwesto at hindi makasuhan o makulong.

Asahan n’yo na hindi matatapos ang gulo sa Senado. Hindi titigil ang mga “pakawalang aso” ng Palasyo sa paghahanap ng malakas na buwelo para isulong ang masasama nilang plano.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here