Home NATIONWIDE Confi funds ng nakaraang admin pinang-reward sa war on drugs – Rep....

Confi funds ng nakaraang admin pinang-reward sa war on drugs – Rep. Castro

121
0

Naniniwala si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na posibleng ginamit ang confidential funds ng nakaraang administrasyon bilang reward ng mga pulis na nakakapatay ng drug suspects kaya dumami ang mga kaso ng extrajudicial killings (EJKs) sa war on drugs campaign ng kanyang administrasyon.

Sa pagdinig ng House Quad Committee noong nakaraang Biyernes, tinanong ni Castro si dating General Manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Royina Garma tungkol sa umano’y paglabas ng pondo na ginamit para pondohan ang mga extrajudicial killings (EJKs)

“You think iyong pera po ay isang source ng pinagkukuhanan ng rewards ay iyong confidential funds or intelligence funds?” tanong Castro.

Hindi naman direktang kinumpirma ni Garma ang alegasyon, at sinabing, “Ayoko pong mag-speculate po, Your Honor.”

Sa naturang pagdinig ay binasa ni Garma ang kanyang sinumpaang salaysay na tuwirang nag-uugnay kay Duterte sa pagsasagawa ng pambansang kampanya na nagresulta sa mga extrajudicial killings (EJKs) ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga.

Ang sinumpaang salaysay ay hindi lamang nagbunyag ng reward system n kundi nagbigay din ng detalye sa naging papel nina Duterte at Sen. Bong Go, sa pangangasiwa at pag-uugnay ng mga operasyon laban sa droga.

Tinutukan ni Castro ang sinasabing daloy ng pondo mula kay Go patungo kay dating Chief Police Col. Edilberto Leonardo ng Criminal Investigation and Detection Group Region 11, pati na rin sa ibang opisyal ng Philippine National Police (PNP) at mga operatiba mula sa mga ahensya tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency at Bureau of Corrections

“So, makikita natin, Mr. Chair, ang driving factor bakit marami po iyong pinatay na mga mahihirap ay dahil may rewards,” ayon kay Castro.

Bagamat kinumpirma ni Garma ang reward system, hindi naman niya tinukoy kung saan nagmumula ang pondo.

Dagdag pa ni Castro, inugnay niya ang mga pangunahing tauhan na malapit kay Duterte, kabilang sina Go at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, ang unang PNP Chief sa ilalim ni Duterte, na nangasiwa sa daloy ng pondo

Itinuro naman ni Garma na si Leonardo na siyang nangangasiwa sa pamamahagi ng pondo para sa pabuya, at sinabing limitado ang kaniyang nalalaman hinggil sa detalye nito.

Ang palitan ng impormasyon ay nagpatibay sa akusasyon ni Castro na ang mga confidential at intelligence funds ni Duterte ay maaaring nagbigay-pondo sa reward system na konektado sa mga extrajudicial killings (EJKs) sa kampanya laban sa droga.

Habang hindi tuwirang kinumpirma ni Garma ang koneksyon, ang mga tanong ni Castro ay nagbigay-diin sa mga hinala tungkol sa posibleng maling paggamit ng mga pondo sa ilalim ng administrasyon ni Duterte.

Inamin din ni Garma na maraming opisyal ang nakakaalam tungkol sa daloy ng pondo ngunit takot na magsalita.

“Lahat po sila—lahat po ng officer na nandito po sa loob—alam po nila iyan; public knowledge lang po. Ako lang po ang naglakas loob magsabi,” ayon kay Garma.

Sinabi rin ni Garma sa Quad Committee na naglalaro mula P20,000 hanggang P1 milyon ang pabuya sa mga nakakapatay ng drug suspect, depende sa kahalagahan ng target. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here