MANILA, Philippines – Magsisimula ngayong araw, alas-5 ng hapon, ang International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I ng apat na araw na confirmation of charges hearing nito kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa crimes against humanity case na iniuugnay sa kanyang war on drugs campaign.
Ayon sa ICC schedule, babasahin ng Pre-Trial Chamber I ang mga reklamo laban kay Duterte na nauna nang nagsabing hindi dadalo sa korte, matapos gawaran ang kanyang hiling na i-waive ang karapatan sa pagdalo ng hearing.
Kasunod nito, ang ICC Prosecutor, common legal representatives of the victims (CLRVs), at defense team ni Duterte ay maghahatid ng kanilang opening statements.
Ipapasa naman ng Prosekusyon ang ebidensya at argumento sa merito ng kaso.
Sa pagsasara ng confirmation of charges hearing, ang Pre-Trial Chamber ay maaaring tumangging kumpirmahin ang mga reklamo, na hindi mapipigilan ang Prosekusyon sa pagpasa ng subsequent request batay sa karagdagang ebidensya;
Mag-adjourn ng hearing at tanungin ang Prosekusyon na magbigay ng karagdagang ebidensya, magsagawa ng karagdagang imbestigasyon o amyendahan ang reklamo;
O kumpirmahin ang mga reklamo at i-commit ang kaso para sa paglilitis.
Sa kumpirmasyon, ang Presidency of the Court ay bubuo ng Trial Chamber para pangasiwaan ang susunod na bahagi ng proceedings.
Ang mga hearing ay itinakda na magpapatuloy sa Pebrero 24, 26 at 27.
Sa impormasyon, sinampahan ng ICC Prosecutor si Duterte ng 49 incidents ng murder at attempted murder sa implementasyon ng drug war campaign at sinabing “the actual scale of victimization during the charged period was significantly greater.”
Nauna nang tinukoy ng korte ang co-perpetrators ni Duterte na sangkot sa “common plan to neutralize alleged criminals” sa pamamagitan ng mga krimen kabilang ang pagpatay.
Isinama rito sina Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, Senador Bong Go, abogadong si Vitaliano Aguirre II, at dating police officials Vicente Danao, Camilo Cascolan (pumanaw na), Oscar Albayalde, at iba pa.
Sa rekord ng pamahalaan ay nasa 6,200 drug suspects ang napatay sa administrasyong Duterte sa iba’t ibang operasyon, habang ang human rights groups ay nagsabing posibleng umabot pa ng hanggang 30,000 ang bilang ng mga nasawi dahil sa unreported incidents. RNT/JGC