BAGAMAN kabila ng magarang presentasyon ng papeles at matikas na pagharap ni Quezon City 2nd District Representative PM Vargas sa Independent Commission for Infrastructure, may isang bagay na hindi niya maiwaksi—ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa kontrobersyal na flood control projects na mismong contractor ang naglantad.
At sa pulitika, minsan hindi sapat ang pagdadala ng makapal na folder kung ang mga aninong bumabalot sa isyu ay hindi niya maipaliwanag nang diretsahan.
Oo, humarap si Vargas sa komisyon—pero ang tanong: may inamin ba siyang pananagutan, o nagpakita lamang ng depensa at papeles? Sa bawat iskandalo ng katiwalian sa bansa, hindi na bago ang eksenang ganito. Ang isang opisyal tulad ni Vargas ay aakyat sa entablado, pagpapakitang-tao ng “transparency,” at magpapasa ng dokumento—pero bihirang may tunay na linaw na lumalabas.
Mas madalas pa nga, kung hindi magtuturo at babanggit ng ibang tao na sasabihing silang sangkot, ay ililihis ang isyu bukod pa sa papoging gagawin sa mata ng publiko.
Ang problema ay simple: hindi basta-basta paratang ang inihaing pahayag ng contractor sa flood control project scam. Sila ang mismong nasa loob ng sistema, mga contractor na lumulutang tuwing panahon ng proyekto. Kapag ang isang kontraktor ang nagsabing may kinalaman ang isang opisyal sa pagmamaniobra sa flood control projects, hindi ito basta tsismis; ito’y pahiwatig ng bulok na ugat na dapat hukayin.
Sa halip na direktang sagutin ang tanong kung ano ang tunay na ugnayan niya sa mga contractor, mas pinili ni Vargas na ipakita lamang na “walang ghost project” sa kanyang distrito. Ngunit hindi iyon ang punto. Ang isyu ay hindi kung may proyekto—kundi kung paano ito napunta sa tamang kamay. Sino ang nag-apruba, at sino ang nagpabilis ng proseso? Sa mga tanong na iyon, kapansin-pansin ang katahimikan.
Natural lamang na magpasalamat siya sa pagkakataong “iwasto” ang paninira. Pero paano kung ang itinuturing niyang paninira ay may batayang dapat niyang harapin, hindi tabunan?
Ang delikadesa ay hindi lang nasusukat sa pagpapakita ng dokumento, kundi sa kakayahang ipakita ang buong larawan—kahit masakit, kahit hindi komportable.
Sa kasaysayan ng flood control anomalies sa bansa, paulit-ulit ang kwento: proyekto, kontrata, padrino, at alegasyon. Sa kaso ni Vargas, malinaw na hindi sapat ang simpleng pagpapakitang walang ghost project. Ang hinihingi ng publiko ay katapatan, hindi katalinuhan sa pagharap.
Hanggang hindi niya tahasang sinasagot ang ugnayan niya sa contractor at syempre sa proyekto, mananatiling mabigat ang tanong: totoo bang bahagi siya ng sistemang kumikita habang lumulubog sa baha ang taong bayan? At iyon ang tanong na hindi malulunod ng kahit gaano karaming papeles.






