Home OPINION TOTAL BAN SA PAGGAMIT NG VAPING SA KABATAAN, ISUSULONG NG DOH

TOTAL BAN SA PAGGAMIT NG VAPING SA KABATAAN, ISUSULONG NG DOH

408
0

IPINANUKALA ng Department of Health (DOH) ang ganap na pagbabawal ng paggamit ng vape sa buong bansa dahil sa tumataas na panganib nito, lalo na sa kabataan. Ayon kay Secretary Teodoro Herbosa, taliwas sa orihinal na layunin ng vape bilang mas “ligtas” na alternatibo sa sigarilyo, nagiging daan na ito sa panibagong uri ng pagkagumon.

Binigyang-diin din ng kali­him na tila naluluma na ang umi­iral na mga batas kagaya ng Republic Act No. 10643 o Graphic Health Warning Law, dahil hindi nito napipigilan ang pagdami ng kabataang sumusubok ng vape.

Sinabi ng kalihim na kung mapanganib ang produkto, da­pat higpitan ang pagpapatupad ng umiiral na batas o mas ma­i­nam na tuluyan na itong ipagbawal upang hindi na ito mabili ng mga bata at kabataan.

Batay sa datos ng Johns Hopkins Bloomberg School of Public Health, gumagamit ng vape ang humigit-kumulang 14 porsyento ng kabataang Filipino o nasa 1.21 million na kabataan, at 2 porsyento ng mga adult o 1.63 million.

Ipinapakita nito na mabilis ang pag-usbong ng vaping culture sa bansa, kasabay ng pag­litaw ng mas maraming flavored vape na madaling makaakit sa mga menor-de-edad.

Sinabi ni Secretary Herbosa na dapat isaalang-alang ng Pilipinas ang mas mahigpit na polisiya gaya ng sa Australia at New Zealand, kung saan ipinatutupad ang plain packaging o simpleng pakete ng sigarilyo at vape upang hindi ito maging kaakit-akit sa mga mamimili.

Noong nakaraang taon, naitala sa bansa ang kauna-una­hang pagkamatay na iniuugnay sa dalawang taon ng tuloy-tuloy na pagva-vape.
Kaugnay nito, sa Conferen­ce of the Parties (COP10) sa Pa­nama, muling napagkalooban ang Pilipinas ng ikatlong “Dirty Ashtray Award,” isang negatibong parangal mula sa World Health Organization (WHO) pa­ra sa mga bansang umano’y mas pumapanig sa industriya ng tobacco kaysa sa kalusugan ng mamamayan.

Ayon sa DOH, suportado nila ang WHO Framework Convention on Tobacco Control (FCTC) at isinusulong ang pagpapatibay ng mas mahihigpit na batas upang protektahan ang mga Filipino mula sa panganib ng pani­nigarilyo at vaping.

Dumoble ang paggamit ng vape sa Pilipinas matapos ipasa ang VAPE Law noong 2022 na nagbaba sa age restriction mula 21 patungong 18. Ito ang isa sa mga isyung binabatikos ng health advocates.

Ayon sa WHO, ang vape ay hindi kailanman dapat ituring na ligtas na produkto dahil may taglay itong nicotine, heavy me­tals, at kemikal na maaaring ma­kasira sa baga.

Sa ilang bansa kagaya ng Australia, kailangan ng reseta para makabili ng nicotine vapes, habang unti-unti namang ipinagbabawal ng New Zealand ang mga novelty vape stores malapit sa paaralan.

Ilan sa isinusulong ng DOH ay:
• Nationwide ban sa flavored vape products;
• Mas mataas na buwis sa vape at e-cigarette liquids;
• Mandatory licensing at mas mahigpit na monitoring ng online sellers; at
• Information campaigns sa paaralan laban sa vaping addiction

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here