MANILA, Philippines – Tinanggal sa trabaho ng provincial governemnt ng Negros Occidental ang nasa 16 contract workers na nagpositibo sa paggamit ng illegal na droga sa isinagawang mandatory random drug test noong nakaraang buwan.
Sa panayam, sinabi ni Provincial Administrator Rayfrando Diaz II na nagpositibo sa illegal na droga ang 10 contract of service at job order workers, at anim na security guard.
Tatlong permanenteng empleyado rin ang nakitaan na positibo sa illegal na droga.
Ani Diaz, ang kontrata ng JO at COS workers ay hindi na ire-renew ngayong Enero, habang ang agency blue guards ay inatasang huwag nang mag-report sa kanilang mga pwesto sa Provincial Capitol.
“The regular employees are given notice and told to undergo confirmatory test, and they can opt to undergo rehabilitation, if they want to be reinstated. Otherwise, we will not reinstate them and we file a case for grave misconduct against them,” sinabi pa ni Diaz.
Sa panuntunan ng Civil Service Commission, sa ilalim ng Resolution 1700653 na may petsang Marso 15, 2017, dapat siguruhin na ang mga ahensya ng pamahalaan ay drug-free.
Dahil dito ay obligado na isagawa ang drug testing bago pumasok sa serbisyo at ang mga magpopositibo ay hindi na maaaring tanggapin pa.
Bilang kondisyon na makabalik sa serbisyo, ang
incumbent public officials at empleyado ay dapat na magpasa ng mandatory random drug testing. RNT/JGC