Home METRO Convenience store sa Cavite, nilimas na naman ng mga kawatan; empleyado pinosasan

Convenience store sa Cavite, nilimas na naman ng mga kawatan; empleyado pinosasan

MANILA, Philippines – NILIMAS at pinosasan ang empleyado saka tinangay ang nasa P43,000 cash na kita ng isang kilalang convenience store sa isang sangay nito sa Brgy. Biga, Tanza, Cavite.

Base sa paglalarawan sa magka-angkas sa isang kulay dilaw na motorsiklo, ang mga suspek at isa dito ay nasa edad 18-25 anyos, nakasuot ng kulay dilaw na t-shirt, itim na pantalon, at gray na cap habang ang isa ay edad ng 45 hanggang 50 anyos, nakasuot ng kulay itim na jacket, itim na pantalon at gray na cap, na tumakas patungong Tanza town proper.

Ayon sa report, bandang alas-8:30 ng umaga nang pumasok ang mga suspek at nagpanggap na customer.

Nang napansin na wala pang customer, naglabas ng hindi nabatid na kalibre ng baril at nagdeklara ng holdap saka pinosasan ang Shift Leader na si alyas ‘James’.

Matapos limasin at tangayin ang pera ay mabilis itong tumakas sakay ng isang motorsiklo.

Napag-alaman na pangalawang beses na hinoldap ang nabanggit na convenience store kung saan ang una ay noong Mayo 24, 2024 bandang alas-2:30 ng madaling araw at tinangay ang P45,000 kita ng tindahan.

Nagsasagawa naman ang pulisya ng backtracking sa Closed Circuit Television (CCTV) para sa posibleng pagkakakilanlan sa mga suspek at sa agarang ikadarakip nito. Margie Bautista