Home NATIONWIDE Counter-affidavit ni Guo hinarang ng PAOCC sa kaduda-dudang notarization

Counter-affidavit ni Guo hinarang ng PAOCC sa kaduda-dudang notarization

Larawan mula sa PAOCC (via GMA Integrated News)

MANILA, Philippines – Naghain ng oposisyon ang Presidential Anti-Organized Crime Commission para tanggapin ng Department of Justice ang counter-affidavit ni dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.

Sa kanilang pagtutol, sinabi ng PAOCC na kaduda-duda na nagtungo si Guo sa San Jose del Monte, Bulacan para magpanotaryo para sa kanyang counter-affidavit, kasunod ng ulat na siya ay umalis na ng Pilipinas noon pang Hulyo.

“The doubt on respondent Guo’s presence or absence in the country since 18 July 2024 puts into question, the possibility of her appearing before a notary public, much less, subscribe and swear by the Counter-Affidavit, now sought to be admitted,” saad ng PAOCC sa oposisyon nito.

Ang counter-affidavit ni Guo ay ipinasa sa DOJ panel of prosecutors lampas sa deadline matapos ang kanyang kaso ay ideklarang submitted for resolution.

Nahaharap si Guo sa reklamong qualified human trafficking na inihain ng PAOCC at ng Philippine National Police, bukod sa tax evasion ng Bureau of Internal Revenue.

Sinabi ng PAOCC na si Guo ay hindi rin Nakita sa paghahain ng kanyang counter-affidavit para sa human trafficking complaint na ipinasa sa DOJ.

“In fact, respondent Guo did not personally appear before any of the members of the Panel to submit her motion and its attached counter-affidavit,” ayon sa PAOCC.

Kamakailan ay sinabi ng abogado na nagnotaryo ng counter-affidavit ni Alice Guo na nakita niya ito nang personal noong gabi ng Agosto 14.

Sa Supreme Court ruling noong 2018, sinasabi na “a notary public should not notarize a document unless the persons who signed the same are the very same persons who executed and personally appeared before him to attest to the contents and truth of what are stated therein.”

“Mag-a-alas-7 po yata yon ng gabi ng August 14, Wednesday… Ni-refer siya ng isang kasama na ang pangalan ay ‘Allan’, nilapit niya sa akin para magpa-notaryo,” pahayag ni Elmer Galicia sa panayam ng DZRH.

Samantala, sinabi ng Commission on Elections na naghihintay na lamang sila ng counter-affidavit ni Guo sa hiwalay na misrepresentation complaint laban sa kanya, sa deadline na Agosto 27.

“Pinapanumpaan ng notary publiko na talagang ang nanunumpa sa kanya ay humarap sa kanya personally. Hindi ka naman pwedeng magpanumpa ng hindi naman personally haharap dyan,” ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia.

“Kung talagang magkakaroon ng isang kasulatan na pinanumpaan, siyempre magiging interesting sa komisyon, paano napirmahan yun sa harapan ng lawyer. Talaga bang naaandito. At hihingan siyempre ng mga impormasyon at circumstances na paano yung mga pagpapapirma na yan,” dagdag pa niya.

Nang tanungin ang Comelec kung oobligahin nito ang notary public na humarap sa kanila, sinabi ni Garcia na, “Wala naman pong makakapigil sa Comelec.” RNT/JGC