Home NATIONWIDE NHA nagpatupad ng isang buwang moratorium sa mga apektado ng lindol sa...

NHA nagpatupad ng isang buwang moratorium sa mga apektado ng lindol sa Mindanao

2
0

MANILA, Philippines – Upang matulungan na muling makabangon sa epekto ng kalamidad nagpatupad ang National Housing Authority (NHA) ng isang buwang moratorium sa pagbabayad ng amortisasyon at naglaan ng ₱75 milyong pinansyal na tulong para sa mga benepisyaryong naapektuhan ng nagdaang magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa ilang bahagi ng Mindanao noong Hunyo 8, 2026.

Sa ilalim ng NHA Memorandum Circular No. 2026-043, epektibo ang moratorium mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 30, 2026. Sakop nito ang lahat ng mga kasalukuyang account holder sa mga housing project ng NHA sa Rehiyon IX, X, XI, XII, at XIII.

Bilang isang attached agency ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), ang naturang tulong ay tugon sa direktiba ni DHSUD Secretary Jose Ramon P. Aliling, alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa agarang paghahatid ng tulong ng pamahalaan sa mga apektadong lugar.

Kaugnay nito sa panahon ng moratorium, walang ipatutupad na delinquency interest o anumang karagdagang multa. Muling magpapatuloy ang regular na hulog (amortization) at bayad sa upa (lease payments) sa Hulyo 1, 2026.

Lahat ng mga multa o interes na naipon bago ang kalamidad ay magpapatuloy din sa naturang petsa. Hindi na kailangang mag-apply ng mga apektadong benepisyaryo dahil agad nang isasaayos ng ahensya ang kanilang mga account.

Samantala, ang mga nakapagbayad ng amortisasyon sa loob ng panahon ng moratorium ay awtomatikong mailalapat naman ito sa kanilang mga account.

Sa isang pahayag, binigyan-diin ni NHA General Manager Joeben A. Tai na ang pagkakaloob ng moratorium ay paunang hakbang pa lamang sa patuloy na dedikasyon ng ahensya na bigyang prayoridad ang pagbangon ng mga apektadong benepisyaryo.

“Nagpatupad na po ako ng moratorium sa buong Mindanao, hindi na po kailangan magbayad ng amortization payments ang aming beneficiaries for the month of June,” said,” GM Tai.

Agad-agad matapos ang lindol, inatasan na ni GM Tai ang mga NHA regional office na magsagawa ng mabilisang pagsusuri sa lahat ng housing site sa mga naapektuhang lugar.

Layunin nitong malaman ang kalagayan ng mga yunit at pasilidad ng komunidad, upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at ang katatagan ng mga istruktura sa mga resettlement site.

Bukod sa suspensiyon ng pagbabayad, naglaan at mamamahagi rin ang NHA ng P75 milyong tulong pinansyal para sa 2,500 pamilya sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) sa Rehiyon XII.

Inaasahang makatatanggap ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ng tig-P30,000. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here