Home METRO Counter flow scheme ipatutupad sa Parañaque Toll Plaza

Counter flow scheme ipatutupad sa Parañaque Toll Plaza

MANILA, Philippines – Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Parañaque na ipatutupad ng Manila-Cavite Expressway (Cavitex) sa Parañaque Toll Plaza ang counter flow scheme sa nabanggit na lugar.

Ayon sa inilabas na advisory ng Cavitex, sisimulang ipatupad ang the counter flow scheme kasabay ng pagpapasinaya ng girder activity sa Cavitex C5 link ng alas 10:00 ng gabi hanggang alas 4:00 ng madaling araw simula sa Setyembre 15 hanggang Setyembre 19 para sa mga motorista na patungong northbound o patungong Manila.

Ang mga motorista naman na patungong Cavite o southbound ay maipatutupad ang counter flow scheme ng Setyembre 19 hanggang Setyembre 25.

Kasabay nito ay magtatalaga ang Cavitex ng mga marshals at safety officers sa pagpapatupad ng nakatakdang aktibidad upang masiguro ang banayad na daloy ng trapiko sa lugar.

Pinayuhan naman ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez hindi lamang ang mga residente kundi pati na rin ang mga motorista na dumadaan sa Parañaque Toll Plaza na gawing maayos at maaga ang pagpaplano ng kanilang pagbiyahe upang maiwasan ang anumang aberya na daranasin sa gitna ng kalsada. (James I. Catapusan)