MIDSAYAP, Cotabato- HINDI na nakapaghain pa ng kanyang kandidatura sa pagka punong barangay ang isang lalaki matapos itong pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek noong Miyerkules sa bayang ito.
Kinilala ang biktimang si Haron Dimalanes, ng Barangay Malingao, Midsayap.
Batay sa report ng Midsayap Municipal Police Station, bandang 11:00 AM ng maganap ang krimen sa labas ng tanggapan ng Comelec sa naturang bayan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nakapila ang biktima para sa paghain niya ng kanyang Certificate of Candidacy (CoC) bilang punong barangay sa kanilang sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023 sa Oktubre.
Subalit, bigla na lamang sumulpot ang armadong suspek at pinagbabaril ito sa ulo na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.
Hinala ng pulisya posible umanong away pamilya ang motibo sa krimen pero hindi rin isinasantabi ang posibilidad na may kinalaman sa pulitika.
Sa ngayon nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para sa pagkakakilanlan sa mga suspek at ikadarakip sa mga ito./Mary Anne Sapico